Mandato, trabaho, obligasyon, iyan ang mga palusot o rason ng taong pilantod at makupad — lahat ng galaw ay ayon sa dikta ng letra at de-kahon ang pananalita; maaari nga na ang lumabas sa mga tanggapan at bumaba sa ­komunidad ay hindi  obligasyon, ngunit walang pumi­pigil para pagbutihin ang trabaho at ibigay ang serbisyong mapagtugon.

Tingin niyo ba, ang makisuyo sa inyong pumasyal sa mga isla upang maghatid ng paglilingkod ay trabaho ng mga konsehal, vice mayor at alkalde ng Romblon? Ginawa nila iyon dahil kulang ang serbisyo ng inyong tanggapan; hindi nakararating sa publikong dapat ninyong pinagsisilbihan.

Kung umaabot sa mga isla ang law enforcement at inyong panghuhuli, nararapat lamang na maunang makarating doon ang pangunahin ninyong mandato sa paglilisensya at rehistrasyon ng mga sasakyan.

Kung naiintindihan ng mga taga-Land Transportation Office (LTO)-Romblon ang kanilang mandato, ayokong isiping kinalimutan ang pangangasiwang mapagtugon; hindi iyong dinadaan sa banta ang paghuli at takutan, katulad ng nakarating sa inyong lingkod.

Alam naman ng lahat ang limitasyon ng gobyerno; at  tama ang inyong kliyente ay ang mga tsuper na ayaw ninyo kanyong pagastahin ng pamasahe, pagkain at hotel sa Odiongan. Pero bakit sila rin pala ang pagbabayarin ninyo ng sobrang singil na wala sa OR — dahil ang mga iyon ay para sa “fare, hotel, food at salary na hindi sakop ng government reimbursement” ng pinapupunta ninyong mga empleyado?

Wala naman sanang bolahan; maaaring hindi ito umabot sa mga kinauukulan gaya ni General Galvante ng LTO, DOTr Secretary Art Tugade at maging Ombudsman. Ngunit huwag niyo rin sanang gawing ‘bopols’ ang Romblomanon. Kung nasa opisyal na resibo ang sini­singil ninyo, tingin ba ninyo’y dadaing ang mga driver na nagsibayad  sa inyo?

Ang bawat sentimo ng sobrang singil na ibinibigay sa inyo ay ang siya ring naipagkakait na pagkain, medisina, baon at iba pang pangangailangan ng mga batang umaasa sa kakapiranggot na uwi ng tsuper na nag-aabot ng bayad sa inyo.

Kapag nakarating kay Sec. Tugade ang reklamo, ewan lang kung anong gagawing aksyon lalo pa’t hindi matatawaran sa serbisyo-publiko at makatwiran ang taong ito.

***

Mag-iisang buwan na nang isapubliko ang isinagawang ocular inspection sa mga quarry ng marmol sa Brgy. Cajimos kung saan nakitaan ng iregularidad ang isinasagawang pagmimina ng marmol sa Bagasyong at Karay-karay.

Ang isyu: maling permiso’t papel ang ipri­nisenta sa mga kinauukulan, kaya binantaan ng suspensyon at pagpapatigil ng operasyon.

Sadyang may kalupitan ang batas; lalung-lalo na sa mga hindi magawang sumunod sa mga alituntuning atas nito. Dapat sumunod sa bawat letrang hindi lang naman basta na lang isinulat at isinabatas.

Ngunit sa pagpapatupad nito, sana’y sandaling maghinay-hinay ang mga kinauukulan; hindi kakapiranggot ang epekto ng agaran at hindi pag-iisipang diskresyon.

Minsa’y buhay ng ekonomiya ng bayan at kabuhayan ng mga maliliit kasi ang kapalit ng ganitong hakbang.

Kung kakayanin at sa maaabot ng inyong inobasyon sa pangangasiwa, manong ang malalaking kapitalista at may-ari ng pagmimina ang habulin at pagbayarin; hindi ang maliliit na marmolista at  bloketista ang sa parusa’y pagdusahin pa, maliban kung ‘pera-pera’ ang nasa utak. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

(Twitter: follow@dspyrey)