ALAM MONG HINDI KA NADAYA

VP Leni Robredo at Sen. Bongbong Marcos

“Tingin ko alam niya naman na hindi siya ­nadaya.”

Ito ang pahayag ni Vice President Leni ­Robredo ukol sa election protest ni dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Ayon kay Robredo, kahit nagdesisyon na ang mga tao at siya ang iniluklok na Bise Presidente ay ayaw sumuko si Marcos dahil sa kanyang pangunahing ambis­yon na maka­balik ang pamilya­ nito sa Palasyo ng Malacañang.

“‘Yun ‘yung para sa akin nakakalungkot. Tapos na ‘yung eleksyon. Tingin ko alam niya naman na hindi siya nadaya. Tingin ko alam niya naman ‘yun.

Pero ‘yung desire na makabalik sa kapangyarihan, ‘yun ‘yung nakakatakot,” ani Robredo sa ambush interview sa University of the Philippines-Los Baños Laguna, (UPLB) kung saan dumalo ito sa “Academic Forum on Tsinelas Leadership”.

Inamin ni Robredo na nag-alinlangan itong tumakbo bilang Bise Presidente noong nakaraang eleksyon dahil alam niyang isa si Marcos sa kanyang makakalaban subalit sumugal ito dahil ayaw nitong makabalik ang mga Marcos sa Malacañang dahil isa ito sa kanyang ipinaglaban noong nasa kolehiyo pa.

“Actually one of the reasons kung bakit nakumbinsi akong tumakbo was also because of an impending Marcos return.

Ito ‘yung matagal na pinaglaban, ‘eto ‘yung political awakening ko nu’ng ako ay college pa, at ngayon nabibigyan tayo ng pagkakataon na harangan na makabalik,” ani Robredo.

Naniniwala rin si Robredo na may kaugnayan ang mga paninira sa kanya sa social media kahit tapos na ang eleksyon sa election protest na kinakaharap nito subalit hindi umano ito susuko.

“Tingin ko hanggang may handa pang lumaban, hanggang may malakas pa ‘yung loob na hara­ngan ‘yung pagbabalik sa kapangyarihan, hindi imposible,” ayon pa kay Robredo.