Simula nang ianunsyo ang na ililipat na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila, nagbabala ang kapulisan na hindi pa rin lahat ay maaaring makalabas at makapasok ng Kamaynilaan lalo na ‘yung mga wala namang importanteng gagawin.
Ayon kay Joint Task Force Covid Shield Commander Police Lt. General Guillermo Eleazar, hindi porke ibinaba na sa GCQ ang antas sa Metro Manila ay ibig sabihin ay maaari na tayong mamasyal at maglabas pasok kung ikaw ay galing sa mga karatig lalawigan.
Paliwanag ni Eleazar, bagama’t hindi na kailangan ang quarantine pass sa pagpasok at paglabas sa mga boarders ng Metro Manila ay kailangan din silang magpakita ng ID o kaya ay certification of employment na sila ay nagtatrabaho sa lugar sa Metro Manila o kaya ay ang kanilang Authorized Person Outside Residence (APOR).
Narito pa ang mda dapat na tandaan:
1. Hindi pa rin maaaring lumabas ang edad 21 pababa gayundin ang 60-anyos pataas.
“Gusto po nating liwanagin na itong pagbaba ng antas ng ating community quarantine lalo na po dito sa Metro Manila eh hindi po ibig sabihin nito na authorized na tayong mamasyal, na dalawin ‘yung ating mga kaibigan at kamag-anak, ‘yung pong mga APOR na mga workers pa rin ang authorized na mag-cross ng mga borders dahil sila ay pupunta sa trabaho’t uuwi,” paliwanag ni Eleazar.
2.Ipapakita lang naman nila sa police na nagmamando sa checkpoint boarder ang mga patunay na sila ay nagtatrabaho sa Metro Manila gayundin kung sila ay pauwi na at palabas na ng Metro Manila.
3. Kung ikaw ay galing ng Metro Manila at gusto mong pumunta sa ibang probinsya, kinakailangan mo munang mag-apply ng travel pass na makukuha mo sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o kaya ay sa barangay kung saan isasailalim ka muna sa health inspection. Kung nagnegatibo ka sa COVID-19 testing ay saka ka lang bibigyan ng medical certificate, wala namang bayad ang rapid test sa mga barangay pero maaari ka ring magbigay ng donasyon na hindi naman sapilitan.
Kaparehas din ng sistema kung ikaw ay nasa probinsya at gusto mo namang pumunta ng Metro Manila. Kung hindi talaga maiiwasang lumabas, paalala ng mga awtoridad, na laging mag-ingat at sundin ang mga health protocol. (Edwin Balasa)