Wala pa raw hangganan o deadline ang gobyernong Duterte kung hanggang kailan ipatutupad ang state of emergency.

Ang deklarasyon sa state of emergency ay babawiin lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sandaling matiyak na ligtas na ang bansa sa kamay ng mga terorista.

Kaakibat nito ay nanawagan ang Palasyo ng Malakanyang na huwag maalarma sa makikitang presensya ng mga pulis at militar sa ilang pangunahing mga lugar sa bansa.

Paliwanag ng gobyernong Duterte bahagi ito ng pagpapatupad ng state of emergency kung saan ay may mga ilalatag na mga checkpoint upang maabatan ang posibleng paghahasik ng lagim ng mga masasamang elemento sa lipunan.

Sa ganang amin, walang problema ang pagpapaigting ng seguridad dahil kaligtasan din naman nating lahat ang nakasalalay dito.

Pero ang sa amin ay wala lang sanang pag-abuso sa kapangya­rihan na gawin ang mga magpapatupad ng batas o ang mga magsasagawa ng checkpoint dahil malinaw sa inilabas na guidelines sa idineklarang state of emergency ang tamang pagpapatupad ng checkpoint.

Nababahala tayo dahil hindi lingid sa ating kaalaman na maraming mga awtoridad ang nagsasamantala sa kanilang kapangyarihan lalo na sa ganitong klaseng operasyon.

Kaya bukod sa ating pana­wagan sa pulis at militar na tamang pagpapatupad ng batas lalo na sa pagche-checkpoint ay nananawagan tayo sa taumbayan na ala­min ang ating mga karapatan sa ganitong pagkakataon para hindi naabuso.