Hindi na papapasukin sa session hall sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga mahuhuli sa pagpasok na mga mambabatas.

Ayon kay Majority Leader Rodolfo Fariñas, magro-roll call ang liderato ng Kamara ng eksakto alas-kuwatro ng hapon at sa mga hindi aabot sa roll call ay mamarkahang absent ang mga ito.

Gayunman ay exempted sa nasabing panuntunan ang mga kongresistang dumadalo sa committee hearings na aprubado ng rules committee o ng majority leader.

Sisimulan ang paghihigpit sa Hulyo 24 kasabay ng pagbubukas ng second regular session.

Ang hakbang ay ipatutupad dahil unfair umano sa mga dumarating sa tamang oras na mga mambabatas ang ginagawang paghihintay sa ibang miyembro ng Kongreso bago ipatupad ang roll call.

Bukod dito ay ang on-time na pagsasagawa ng sesyon ay makakatulong upang makapagtrabaho ng mas marami ang Kamara.

Regular na isinasagawa ng Kamara ang sesyon mula Lunes hanggang Miyerkules kung saan ay agad na binubuksan ng alas-kuwatro ng hapon pero agarang sinususpendi habang nakaantabay sa iba pang miyembro para isagawa ang roll call.

Ang sa amin, napapanahon na para maghigpit sa attendance ng mga mambabatas.

Karamihan sa mga kongresista ay makailang beses nang nahalal ibig sabihin dapat ay matagal na nilang alam ang panuntunang ipinatutupad tuwing may sesyon kaya wala na silang karapatang magpa-late pa.

Higit sa lahat ay dapat pakatandaan ng mga mambabatas na halal ng bayan na binabayaran sila mula sa buwis ng taumbayan para magtrabaho at hindi para magbulakbol.