Alamin: Blended learning na ipagagamit sa mga chikiting

Nang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nito papayagan na magbukas ang klase ng mga estudyante hangga’t walang bakuna para sa coronavirus, agad na nagpaliwanag ang Department of Education (DepEd) na tuloy pa rin naman ang pagkatuto ng mga bata at magsisimula na ito sa Agosto sa 24.

Pero tanong ng marami, paano? Paliwanag ni DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones gagamitin ang blended o distance learning modality dahil ito ang nakita nilang alternatibong paraan para matuloy ang klase habang sinisiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Sa ilalim ng programang ito, walang magaganap na face-to-face class hanggang hindi pa nasisiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral. Gayunman, magbibigay pa rin ang DepEd ng mga paraan para matuto ang mga ito, gamit ang iba’t ibang paraann na akma sa aktwal na sitwasyon ng kanilang mga komunidad.

Ilan umano sa mga dapat na malaman ng mga magulang at estudyante:

1. Hindi obligado na bumili gadget para sa online learning.

2. May ihahandang printed learning module ang DepEd para sa mga walang access sa internet o digital device. Gumagawa na umano ng hakbang para masiguro na matatanggap ito ng mga estudyante.

Magpapatulong umano ang kagawaran sa mga lokal na pamahalaan at mga parent-teacher association para maipamahagi ang mga printed learning material.

3. Maaaring gabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagbabasa sa mga module, pero magkakaroon din ng konsultasyon sa mga teacher gamit ang text.

4. Ang iba pang learning method na maaaring gawin ay paggamit ng online learning platform tulad ng DepEd Commons na para sa mga may internet connection.

5. Paggamit ng telebisyon at radyo para magbigay ng leksyon sa mga lugar na walang internet.

Bagaman may mga alinlangan sa bagong sistema, gayundin ang mga batikos sa DepEd dahil sa pagpapatuloy pa ng klase sa kabila ng nararanasang pandemic, tuloy ang kagarawan sa pagpaplano at pagbibigay ng solusyon para mabigyan ng pagkatuto ang mga estudyante. (Vick Aquino)