Dear Atty. Claire,
Ano po ba ang dapat gawin?
Kasi po ang Papa ko nakatanggap ng warning about lending at nakapangalan po sa Mama at Papa ko, pero ang mama ko po ay patay at hindi alam ni Papa kung ano ‘yung inutang sa lending, at pinagrereport po siya sa opisinang iyon at inoobliga po ang Papa ko na bayaran ‘yun, kahit na ‘di niya naman alam kung ano ‘yung pinagkautangan niya at ‘yan po ‘yung warning note.
Maraming salamat po.
Janet
Ms. Janet,
Mas mainam na puntahan ng iyong tatay kung ano ba talaga ang transaksyon ng utangan na iyon upang malaman niya kung valid ba o peke ang paniningil sa kanya.
May pagkakataon kasi na ang isa lamang sa mag-asawa ang nangungutang at walang alam ang isa ngunit kapag ito ay hindi nabayaran ay maaaring singilin ang utang sa mga ari-arian ng mag-asawa lalo pa na kung ang inutang ay masasabi na ginamit sa ikabubuti ng pamilya o para sa kapakanan ng pamilya (if it redounded to the benefit of the family), maliban lamang kung ang pera na inutang ay ginamit sa pagsusugal o sa mga bagay-bagay na hindi pinakinabangan ng pamilya.
Ang utang ay hindi namamana pero ang mananagot sa naiwang utang ng namatay ay ang mga ari-arian na kanyang naiwan kaya kung walang anumang ari-ariang naiwan ang nanay mo na maaaring manahin ninyo ay hindi mapipilit ang tatay mo na bayaran ang utang ng nanay mo kung sakali na hindi naman siya nakapirma sa Contract of Loan na iyan. Kaya dapat aralin ng tatay mo ang mga papeles patungkol dito at magagawa lamang niya iyon kung siya ay makikipag-ugnayan sa lending company na nagpadala ng notice.
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624/922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.