Alamin: Mga dapat asahan sa Metro GCQ checkpoint

Tuloy pa rin ang pagpapatupad ng quarantine control point ng Philippine National Police (PNP) kahit pa ngayong nasa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila.

Hindi kailangang mag-relax kundi dapat pang paigtingin ang pagsasagawa ng checkpoint dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa kalsada ngayong niluwagan na ang quarantine restrictions, ayon pa kay Joint Task Force Covid Shield Commander Police Lt. Guillermo Eleazar.

Patuloy pa rin ang mga checkpoint sa mga boarder ng papasok at palabas ng Metro Manila habang ang mga community checkpoint naman ay pwede nang tanggalin pero depende pa rin ito sa ground commanders.

At dahil hindi naman kayang inspeksyunin lahat ng sasakyan sa kalsada kagaya ng ginagawa noong enhance community quarantine (ECQ) dahil siguradong magkakaroon ng mahabang pila ng sasakyan ay magkakaroon na lang ng random checkpoint pero ang sinumang magtityempuhang violator ay siguradong matitikitan.

Kaya, dapat na malaman ang mga hakbang na dapat sundin sa mga checpoint na ito ngayong GCQ:

1. Payo ng kapulisan sa mga lalabas sa kalsada, siguraduhing mayroon silang bitbit na kaukulang papel tulad ng company ID o certificate of employment na magpapatunay na maaari silang lumabas sa kalsada o mga authorized persons outside residence (APOR).

2. Palalakasin ang mobile checkpoint na isinasagawa ng mga tauhan ng PNP Highway Patrol Group lalo na sa kahabaan ng EDSA sa pamamagitan ng Oplan Sita at Oplan Habol.

3. Hindi maaaring lumabas sa mga border ng Metro Manila, maliban kung medical health worker, o ibang uri ng frontliner, at mga nagtatrabaho sa mga industriya na pinayagang magbukas sa ilalim ng GCQ.

“Hindi pa rin kayo dapat magko-cross ng border like in Metro Manila taga-Caloocan ka, magsa-shopping ka sa Makati pa, hindi po ganon yun. Basically, dun pa rin kayo sa lugar niyo,” paliwanag ni Eleazar sa virtual briefing.

Paalala pa ng pulisya huwag maging kampante ngayong nasa GCQ na ang Metro Manila dahil patuloy pa rin ang gagawing implimentasyon ng batas ng awtoridad sa mga pasaway na mamamayan. (Edwin Balasa)