Nanawagan kaha­pon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na iwasan ang area ng Pasay at Parañaque City sa Disyembre 23 para hindi sila maabala sa trapik dahil isasara ang ilang mga kalsada dito upang bigyang-daan ang parada ng Metro Manila Film Festival (MMFF).

Base sa abiso ng MMDA, simula ala-una nang hapon ng Disyembre 23 ay isasara sa mga motorista ang Dr. Arcadio Santos ­Avenue hanggang Santa Rita Avenue sa Parañaque City.

Ang walong floats na sasakyan ng mga artista na kasali sa MMFF ay dadaan sa Shopwise-Sucat Road kaliwa ng Medina Ave­nue, kanan ng Quirino Avenue, kaliwa ng eastbound lane ng MIA Road, kanan ng Macapagal Boulevard at kaliwa ng Bradco Avenue.

Ang mga behikulong galing ng Bacla­ran ay maaring dumaan sa westbound lane ng Dr. Arcadio Santos Avenue mula South Superhighway hanggang Santa Rita Avenue, kaliwa ng Carlos P. Garcia Avenue Ext., U-turn ng C5 Bridge, kaliwa sa Multinational Avenue, kanan ng Ninoy Aquino Avenue, kaliwa ng MIA Road, kanan ng Domestic Road, kaliwa ng Airport Road at kanan ng Quirino Avenue.

Ang lungsod ng Parañaque ang host ng parada ng mga artista kasabay na rin ng ika-20 taong anibersaryo ng lungsod.
Ang parangal para sa MMFF ay gaganapin ngayong Dis. 27 sa Solaire Hotel.