Alapag magre-retiro na ulit?

Mukhang pa-retiro na si Jimmy Alapag. Ulit.

Isang source mula sa MVP group ang nagsabi kahapon na tuluyan nang isasabit ni Mighty Mouse ang kanyang jersey. ­Unang nag-retiro si Alapag noong January 2015 nang nasa Talk ‘N Text pa, ngayon ay nasa Meralco na siya.

Ayaw mag-komento ni Bolts coach Norman Black sa isyu.

Pero ayon sa source, nagkaka-edad na si Alapag at hindi nawawala ang calf injury.

“Hindi lang alam kung before or during the season, but he is definitely retiring,” anang source na hindi nagpabanggit ng pangalan.

Dinagdag ng source na siguradong may i-o-offer kay Alapag na puwesto sa coaching staff ng Gilas.

Mag-39 na si Alapag sa Dec. 30, naglaro sa TNT mula 2003 bago inihayag ang una niyang retirement.

August ng nakaraang taon ay nakumbinse siyang bumalik sa pagla­laro at napadpad sa Meralco bago ang nakaraang season.

Nakaisang panalo lang sa 11 laro ang Bolts sa season-opening Philippine Cup, nakarating sa semifinals ng midseason Commissioner’s Cup at sa finals ng season-ending Governors Cup pero tinalo sila ng Ginebra sa anim na laro.

Sa kasagsagan ng Ginebra-Meralco championship series, may milestone na dinagdag sa kanyang resume si Alapag: Binura niya ang matagal na record na hawak ni Allan Caidic sa career three-point shots made sa nilistang 1,250.