Alas wala pa sa pamatay na porma

Walong buwan na nawala sa eksena si Kevin Alas, nagpagaling at sumailalim ng rehabilitasyon matapos abutin ng ACL injury noong Marso.

Nakabalik na ang point guard sa rotation ng NLEX, walang liban sa tatlong laro sa first two weeks ng PBA Philippine Cup elims.

Pero aminado si Alas na hindi pa 100 percent na bumabalik ang kanyang laro, pati shooting touch. At nabalaho ang Road Warriors 0-3 sa season-opening tourney.

“I think I’m 2 ouf of 21 the past two games. Na-point out din ni coach Yeng (Guiao) kanina,” wika ni Alas pagkatapos ng huling talo, 85-80 laban sa TNT noong Miyerkoles sa Smart Araneta Coliseum.

Hindi raw siya naghahanap ng dahilan. Kailangan lang niyang ibalik ang laro.

“Siguro, kulang pa rin ‘yung game rhythm, game shape ko, pero no excuses,” dagdag ng fifth-year guard. “Kasi as I said, bago naman ako bumalik, I was 100 percent ready naman eh.”

Naga-average si Alas ng 27 minutes per game sa tatlong salang, hindi pa masyadong pinupuwersa.
Kontra Texters, inako pa ni Alas ang sisi kaya sila natalo.

“Kasi ‘yung foul ko kay Jayson (Castro), ‘yung 3-points ni Roger (Pogoy), that was my assignment,” punto niya. “Then the open 3, namintis ko. Siguro I have to take responsibility for ‘yung talo namin.”

Sa final 1:09, sablay ang panabla sanang 3 ni Alas. Umabante ng lima ang TNT sa tres ni Pogoy 44 seconds pa, bumawi si Poy Erram mula long range para idikit sa 82-80. Umagwat ng tatlo ang TNT sa split free throws ni Castro 14 seconds na lang.

Kinabukasan pagkatapos ng Texters loss, pinanood ng Road Warriors ang tape ng laro, pinag-aralan at tinangkang solusyunan ang lapses sa praktis.

Matapos ang tatlong araw, balik ang Road Warriors sa Big Dome para harapin ang nanonorpresang Columbian Dyip (2-1) sa first game mamaya.