Biglang nabuhayan ang Lyceum of the Philippines Pirates, hilahod sa unang tatlong laro pero nakabingwit ng dalawang sunod na panalo matapos silang bitbitin ni rookie Ian Alban.
Kahit nasa kangkungan ng team standings ang Pirates ay ganado pa rin sa paglalaro si Alban, umiskor ng 19 points, 10 sa final quarter, sa 69-66 upset victory kontra Jose Rizal University Heavy Bombers.
Muling umarangkada ng 21-point performance si Alban laban sa St. Benilde Blazers para isiksik ang Lyceum sa gitna ng standings sa 2-3 baraha.
Sa ipinakitang tikas ni Alban, nahirang itong ACCEL Quantum Plus-3XVI NCAA Press Corps Player of the Week.
“Last game nung JRU, tinext kagad ako ni Coach Topex na huwag ako makuntento sa isang magandang laro,” sabi ni Alban. “Every practice after nun, mas hinihigitan ko pa ‘yung practice ko para magtuloy-tuloy ‘yung laro ko.”