Albay mayor minura ni Duterte

Nakatikim ng mura at binalaan pa ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang isang alkalde sa lalawigan ng Albay na diumano’y tinatakot ang biyuda ng pinaslang na si Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe.

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang talumpati matapos mamahagi ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo na ginanap sa provincial gymnasium ng Kidapawan City, Cotabato kahapon.

Sinabi ng Pangulo na hindi siya mangingiming ipahiya ang hindi pinangalanang alkalde sa harap ng pamilya nito kapag inulit aniya ang pananakot sa biyuda at pamilya ng pinaslang na kongresista.

“Sabi ko sa kanya, ‘pag nakarinig pa ako ng isang panakot-nakot mo dito, puntahan kita sa bahay mo. Sa harap ng asawa mo payi anal mo, sasampalin kita. I will give you the ultimate humiliation,” anang Pangulo.

Batay sa ibinigay na impormasyon ng pulisya kay Pangulong Duterte, lumilitaw na politiko umano ang nasa likod ng pagpatay kay Batocabe kasama ang police escort nito.

Idinagdag pa ng Pa­ngulo na hindi niya papayagang maulit ang karahasan sa Albay kaya kapag inulit ang insidente ay pupuntahan niya ang naturang alkalde sa bahay nito.

“I will not allow and sit on my ass at magkaroon dito uli ng terrorism. You will be facing me. Talagang pupunta ako dito at puntahan kita sa bahay mo, p……. mo leche ka!” ang galit na pahayag ng Pangulo.

Matatandaang duma­law si Pangulong Duterte sa burol ni Batocabe sa Bicol University sa ­Daraga, Albay matapos ang araw ng Pasko kung saan nakausap nito ang biyuda ni Batocabe na si Gertie.

Dinagdagan pa ng Pangulo ang pabuya para maaresto ang mga pumatay kay Batocabe na mula sa P30 milyon ay gina­wang P50 milyon. (Aileen Taliping)