Albay nakiusap na huwag alisin ang ECQ

SIMULA ngayon araw na ito ay kabilang na ang Lalawigan ng Albay na maaalis sa listahan ng mga lugar na nakapailalim pa sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at magkakaroon ng kaunting kaluwagan.

Ito ay dahil sa papaiiralin na ang General Community Quarantine (GCQ) na labis na ikinatatakot ng mga naninirahan sa Albay kaya agad na nagsagawa ng pormal na kahilingan ang Philippne Councilor’s League (PCL)- Albay Chapter hinggil dito.

Ang mga opisyales ng PCL sa pangunguna ng presidente nito na si Jesciel Richard Salceda ay agad na nagsumite ng unified resolution sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Lakip ang lagda ng buong PCL-Albay officers, hiniling nila na ikonsidera ang pagpapatuloy ng ECQ sa kanilang lugar makaraang lumabas ang resulta mula sa Department of Health (DOH) Region V noong Abril 28, 2020, hinggil sa tatlong bagong COVID-19 na nagpositibo.

Dalawang pasyente mula sa Legaspi City at ang isa ay mula sa Ligao City. Ang dalawang pasyente ay parehong frontliner at ang taga Ligao naman ay isang medical secretary.

Sa datus na inilabas kahapon ng DOH Bicol Region, may 39 kaso ng kumpirmadong COVID-19 positive samantalang 7 ang mga bagong iniulat pa na nagpositibo rin.

Nauna rito, nakasama na ang Albay sa mga lugar kung saan idineklara nang sasailalim sa GCQ status mula ngayong araw na ito (Mayo 1) na labis nilang ikinababahala dahil nga sa inilabas na ulat ng DOH Region V.

Kahit umano hanggang sa Mayo 15 ay nais nilang mapanatili sa kanilang lalawigan ang ECQ status upang masiguro nila ang kaligtasan ng marami-partikular ang mga matitigas ang ulo.

Ayon sa mga opisyales ng PCL-Albay, napakaepektibo sa kanilang lalawigan ang ECQ kaya nanatiling mababa ang nagpositibo sa COVID-19 bago pa man lumabas ang pinakahuling ulat ng DOH- Region V.

OO nga naman, dahil noong inilabas ng pamahalaan na gawin na lamang GCQ ang Albay ay hindi pa lumalabas ang ulat ng DOH-Region V na may mga pinakahuling nagpositibo at tatlo pa. Sa kasalukuyan, may 39 pasyente ang Bicol na positibo sa COVID-19.

Labis na nangangamba rin siyempre ang mga taga Albay dahil sa napakalaki ng kanilang lalawigan at alam nila ang pag-uugali ng kanilang kababayan na dapat may kinatatakutan.

Sana lang ay mapansin ng pamahalaan ang kahilingang ito ng PCL-Albay upang hindi na rin sila magkaroon ng agam-agam na puwedeng isang araw ay magising silang napakataas na ng bilang nang nahahawa sa COVID-19.

Idagdag pa dito na ang mga pagamutan sa Albay ay kasalukuyang natutugunan ang iba’t-ibang sakit sa kanilang probinsiya at posibleng mahirapan kung dadagsa ang santambak na pasyente tulad ng nararanasan natin sa National Capital Region.

Sa mga kababayan natin sa Albay at sa buong bansa huwag lang maging matigas ang ulo at palaging sumunod sa utos ng pamahalaan at makakaasa kayo na hindi tayo mapapahamak.

Sa ngayon ay nag-uunahan na ang mga eksperto sa pagtuklas ng gamot para labanan ang COVID-19 at naniniwala ako na isang araw ay bigla na lamang may matutuklasang gamot.

Mag-ingat, mag-ingat at mag-ingat pa.