Ipinahayag kahapon ng tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na kanilang hahayaang gumulong ang due process sa kaso ni dating Director General Oscar Albayalde at 13 ‘ninja cops’ matapos irekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagsasampa ng kaso laban sa mga ito.
“The PNP will let justice, fairness, and due process of law takes its course,” sabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac.
Gayunman, mananatili aniyang inosente ang mga akusadong pulis hangga’t hindi napapatunayan ang kanilang pagkakasala.
Sinabi ni Banac na nasa kamay na ng abogado ni Albayalde kung ano ang gagawing aksyon hinggil sa resulta ng mga pagdinig ng Senado.
“We leave it to Police General Oscar Albayalde and the other concerned PNP personnel, with their respective legal teams to address the other side issues that may come with their possible criminal indictment as recommended by the Senate panel,” ayon kay Banac.
Noong Biyernes ay inilabas ni Senador Richard Gordon ang initial report ng Senate Blue Ribbon Committee kung saan inirekomenda ang pagsasampa ng graft charges laban kay Albayalde at sa 13 pulis dahil sa kontrobersiyal na drug raid sa Pampanga noong 2013.
Kaugnay nito, tiniyak ni Banac na mananatili ang pokus ng PNP na ireporma ang organisasyon upang matugunan ang kampanya kontra krimen, iligal na droga at korapsyon.
Naiintindihan umano nila ang pagkadismaya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga naganap sa PNP subalit hindi nila bibiguin ang Punong Ehekutibo.
Blue Ribbon report hawak na ni Duterte Nakarating na kay Pangulong Duterte ang kopya ng Senate Blue Ribbon report kaugnay sa imbestigasyon sa tinaguriang ‘ninja cops’ sa PNP.
Sa isang panayam sa Malacañang, sinabi ni Senador Bong Go na siya mismo ang nagbigay sa Pangulo ng kopya ng report at rekomendasyon ng komiteng hawak ni Gordon.
Mayroon aniya siyang kopya dahil miyembro siya ng senate blue ribbon committee na siyang nag-imbestiga sa isyu ng mga ninja cop.
Matatandaang sinabi ng Pangulo na ibibigay niya kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang anumang rekomendasyon ng Senado para pag-aralan nito at kung anuman ang magiging hatol ay siyang susundin laban sa mga inaakusahan sa sindikato ng recycling ng iligal na droga. (PNA/Aileen Taliping)