Albayalde, iba pang appointee ni Duterte, pinag-iinitan – Panelo

Pinayuhan ng MalacaƱang ang mga opisyal at mambabatas na nagpapa-resign kay Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde na huwag magmadali.

Sa harap ito ng panibagong pasabog sa Senado ng mga dating opisyal ng PNP na pilit nag-uugnay kay Albayalde sa sindikato ng mga ninja cop.

Sinabi ni Panelo na hintayin na lamang kung ano ang magiging aksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil prerogative nito kung aalisin o patatapusin nito ang serbisyo ng Chief PNP na nakatakdang magretiro na sa susunod na buwan.

“They should wait for the President. That’s the prerogative of the President. Masyado silang nagmamadali,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na batay sa obserbasyon nito sa tinatakbo ng imbestigasyon ng Senado, tila aniya binabanatan na ngayon ang administrasyon dahil ang ginigisa ay ang appointee ng Presidente.

Nagsimula lamang aniya ang imbestigasyon ng kumite ni Senador Richard Gordon sa isyu ng paggamit sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) sa Bureau of Corrections, subalit napunta ito sa ninja cops hanggang sa ang sentro na ng imbestigasyon ay si Albayalde.

“Una GCTA, pagkatapos biglang napasok na kay Albayalde, naging ninja cops tapos Albayalde. Parang lumalabas tuloy parang binabanatan mo administrasyon in a way, kasi pag you hit the appointee of the President, in effect hitting the appointing power, parang ganun,” dagdag pa ni Panelo. (Aileen Taliping)#