Albayalde kay Lacadin: Humanda ka sa korte

Marami umanong dapat na ipaliwanag si dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) depu­ty director for operations PCol. Rudy Lacadin matapos na idiin nito si Phi­lippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde sa kontrobersiyal na drug raid sa Pampanga noong 2013.

“Lacadin has a lot of explaining to do and he will have his day in court,” pahayag ni Albayalde kahapon.

Dagdag pa ni Albayalde na lahat ng mga dating opisyal ng PNP na nagkakaisa ngayon laban sa kanya ay mga nanilbihan sa nakalipas na administrasyon.

Magugunitang sinabi ni Lacadin sa pagdinig ng Senado kamakalawa na magkaibigan sila ni Albayalde at tumawag ito sa kanya noong panahon na iniimbestigahan ng CIDG ang drug raid sa Pampanga

Ayon Kay Lacadin, sa naturang tawag sa telepono sinabi umano ni Albayalde sa kanya na kaunti lang umano ang kinita nito sa nasabing drug raid.

Samantala, nanindigan si Alba­yalde na hindi niya tinawagan si Lacadin kaugnay ng imbestigasyon nito sa umano’y pagre-recycle ng droga ng 13 pulis sa Pampanga.

Itinanggi rin nito na kaibigan niya si Lacadin, at ang tanging naging ugnayan ng dalawang opisyal ay nang maging franchisee niya si Lacadin sa water refilling business noong 2011. (Edwin Balasa)