Albayalde kay Lacadin: May araw ka rin sa korte

“Lacadin has a lot of explaining to do and he will have his day in court.”

Ito ang pahayag ni Philippine National Police (PNP) chief General Oscar Albayalde kay dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) deputy director for operations Col. Rudy Lacadin, matapos na idiin nito ang hepe ng pulisya hinggil sa pagre-recycle ng iligal na droga.

Dagdag pa ni Albayalde, lahat ng mga dating opisyal ng PNP na nagkakaisa ngayon laban sa kanya ay mga nanilbihan sa nakalipas na administrasyon.

Magugunitang sinabi ni Lacadin sa Senate hearing kamakalawa na magkaibigan sila ni Albayalde at tumawag ito sa kanya noong panahon na iniimbestigahan ng CIDG ang umano’y pagre-recycle ng droga sa isang operasyon sa Pampanga noong 2013.

Ayon kay Lacadin, sa naturang tawag sa telepono sinabi umano ni Albayalde sa kanya na “konti lang ang sa akin diyan.”

Samantala nanindigan si Albayalde na hindi niya tinawagan si Lacadin kaugnay ng imbestigasyon nito sa umano’y pagre-recycle ng droga ng 13 pulis Pampanga.

Itinanggi rin nito na kaibigan niya si Lacadin at ang tanging naging ugnayan ng dalawang opisyal ay noong naging franchisee niya ang una sa water refilling business Noong 2011.

Giit ni Albayalde, ang lahat ng mga lumabas na impormasyon sa mga Senate hearing ay pawang mga alegasyon lang na wala namang ebidensiya. (Edwin Balasa)