Albayalde misquoted sa early retirement – Andanar

Misquoted umano si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde matapos mapaulat na mapapaaga ang pagreretiro nito.

Sa isang text message ni Presidential Communicatons Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar sa Malacañang Press Corps, sinabi nitong kausap niya nitong Sabado ang Chief PNP at nilinaw na misquoted ito sa lumabas na ulat sa media.

Ayon kay Andanar, hindi aniya early retirement kundi mungkahi lamang para sa maagang turnover ng liderato ng PNP.

“I was with him on the phone earlier, he said he was misquoted. It wasn’t early retirement but a proposal for early turnover,” ani Andanar.

Iminungkahi lamang aniya ang Oktubre 29 dahil paalis si Pangulong Rodrigo Duterte para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Sinabi aniya ni Albayalde kay Andanar na wala pang kumpirmasyon o opisyal na dokumento at sakaling matuloy ay turnover of command lamang.

“Proposed date lang ‘yung October 29 sec.kasi the President is leaving for the ASEAN summit. No confirmation nor an official docs from Malacañan yet. And its only turnover of command if ever matuloy po. My retirement is still on Nov. 8. Thank you!- Oca,” ang text ni Albayalde kay Andanar.

Nauna rito napaulat na mapapaaga ang pagreretiro ni Albayalde sa harap na rin ng kontrobersiyang kinakaharap nito kung saan idinadawit ito sa sindikato ng “ninja cops”. (Aileen Taliping)