Maiuugnay ang pagtaas ng bilang ng mga nabibiktima ng iba’t ibang krimen sa pagkakaroon ng kumpiyansa ng mga Pilipino na iulat sa pulisya ang naranasang insidente.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde matapos lumabas ang resulta ng isinagawang survey ng Social Weather Station (SWS) sa crime victimization mula Hulyo hanggang Setyembre ng 2018.

Lumabas sa resulta na 6.1 porsiyento ng populasyon mula sa 1.4 milyong Pilipino na bahagi ng survey ay naging biktima ng krimen.

“Overall, we take this empirical measure of public perception of experience with crime as an indication of greater feeling of safety from crime and subsequently lesser fear of crime,” ayon kay Albayalde.

Diin ng opisyal, hindi dapat ikabahala ang nasabing pagtaas sa bilang ng nabibiktima ng krimen dahil kontrolado umano nila ang sitwasyon.

Sabi pa ni Albayalde, maaaring naging kontribusyon sa krimen ang holiday season kung saan mas laganap umano ang mga masasamang-loob, dagdag nito ang mataas na crime victimization rate ay maaaring maging paalala sa lahat na maging mapagpatyag sa lahat ng oras, at para naman sa hanay ng kapulisan ay doblehin ang ginagawang pagbabantay. (PNA)