Alden ginulat ang TikToker

NI: ROLDAN CASTRO

Sinorpresa ni Alden Richards ang isang fan niya nang bigla siyang naki-join sa video interview ng show ni Jessica Soho kay Ian dela Peña III.

Si Ian ay isang OFW na naka-base sa Dubai . Isa siya sa mga tinampok ng programa sa segment na “TikTok Look-Alike Challenge”— ang bagong usong style sa video app kung saan pinapakita ng nagti-TikTok sa dulo ang kumukha umano nilang celebrity.

Kahit si Alden, aminado na may pagkakahawig nga sila ni Ian lalo na’t may dimple rin ang huli. Papasa nga raw silang magkapatid sa mga teleserye. Hindi naman makapaniwala si Ian nang makita at makausap ang idol niya. Nagpapasalamat daw siya kay Alden dahil inspirasyon niya raw ito sa kanyang buhay. Si Alden naman, hinangaan si Ian dahil kahit na may mga problema itong kinakaharap, tinutulungan niya ang kanyang sarili na hindi matalo ng sitwasyon niya .Isa si Ian sa mga kababayan nating nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.

Advice rin ng Asia’s Multimedia Star, dapat daw huwag na masyado isipin ni Ian ang nakaraan dahil hindi na ito mababago pa at bagkus ay mag -focus na lang sa hinaharap.

“Napakagandang example ka ng mga taong naapektuhan ng pandemic pero lumalaban pa rin sa buhay. Saludo kami sa iyo,” lahad pa ni Alden.
Wish ni Ian na makita ng personal ang idolo niya.

Wala naman itong problema sa aktor na sinabing sana nga ay magkita sila sa susunod na makabisita siya sa Dubai.