Alden gumagana na ang puhunan

Kahit paano’y nakangingiti na si Alden Richards bilang isang batambatang negosyante. Makikita na uli ang magkabila niyang biloy sa pisngi.

Gumaan-gaan na kasi ang kanyang dalahin ngayon dahil mula sa isandaang porisyentong pagsasarado ng kanyang prangkisa ng McDonald’s ay gumagana na uli ang kanilang pagseserbisyo.

Hindi nga lang tulad nang dati na may dine-in, puro take-out lang muna ngayon, bilang pagsunod sa idinidiktang social distancing.
Pero kahit paano’y gumagalaw na ang kanyang business, kumikilos na ang kanyang puhunan, may trabaho na uli ang kanyang staff na hindi niya naman pinabayaan kahit nu’ng sarado ang kanyang negosyo.

Positibo ang pinasok na negosyo ni Alden, puro may kuneksiyon sa pagkain, tulad ng sinosyohan niyang restaurant (Concha’s) na ngayon pa lang din bumabangon dahil sa pagputok ng bulkang Taal.

Maraming takot pumasok sa food business, tulad ng karne at prutas ay malaki ang porsiyento ng pagkabulok, pero walang pinipiling panahon ang negosyo ng pagkain.

Hindi tayo puwedeng mabuhay nang hindi kumakain, puwede tayong hindi makisakay sa usong damit at sapatos, pero ang bituka ay kailangang malamnan para tuloy tayong mabuhay.

Ngayon pa lang ay sigurado na ang kinabukasan ni Alden Richards, magbago man ang timpla ng kanyang popularidad ay wala na siyang dapat alalahanin, inilagay niya na sa tamang buslo ang kanyang pinaghihirapang kitain.

Hindi siya mapapabilang sa mga sumikat na personalidad na buhos ang dating nu’n ng biyaya, pero hindi natutong paghandaan ang hinaharap, kaya nganga sila ngayon.

Napakaraming artistang nakalimot sa kasabihan na walang mayhawak ng bukas ng mga tulad nila, sikat sila ngayon at tinitilian, pero bukas ay may bago na namang iibigin at susuportahan ang publiko.

Walang kasiguruhan ang buhay at trabaho ng mga artista, nagbabago ang panahon, kaya habang parang baha ang pagdaloy sa kanila ng mga biyaya ay paghandaan na nila ang panahon ng tag-ulan sa kanilang karera.

Palaging nakaabang lang ang telon ng entablado para sa pamamaalam.

@@@

Umaaray ang mga negosyante

Bukod na pinagpala mang maituturing ay matinding pagbabago pa rin ang hatid ng enhanced community quarantine sa isa naming kaibigan negosyante.

Nagsarado ang lahat ng kanyang mga negosyo, kailangan niyang suportahan ang mga pangangailangan ng kanyang mga tauhan, puro palabas ang pera sa kanyang bulsa ngayon na walang anumang pumapasok na kapalit.

Kung ang malaking negosyante nang tulad niya ay umiiyak na ang bulsa, paano pa ang maliliit lang na namumuhunan, siguradong paghagulgol na ang sigaw ng kanilang kaban.

Wala silang pamimilian, kailangan nilang sumunod sa pinaiiral na social distancing, para sa kaligtasan ng mas nakararami.

“Gusto ko mang maghigpit ng sinturon dahil sarado nga ang mga negosyo namin, e, hindi pa rin puwede. Sila na ang nakasama ko sa negosyo nang maraming taon, mapababayaan ko ba naman sila ngayon?” komento ng aming kaibigan.

Laganap ang problemang pinagdadaanan ng mga negosyante sa buong mundo, ‘yun ang dahilan kung bakit sa mga lugar sa East Coast sa Amerika ay nagbukas na ng negosyo ang mga Puti, ginawa nila ‘yun sa gitna ng banta ng COVID-19 na sila ang sinesentruhan ngayon dahil kailangan daw nilang mabuhay.

Matira ang matibay ang labanan ngayon, wala pang katiyakan kung kailan tatapusin ang lockdown, kaya matinding sakripisyo pa rin ang kakambal natin sa araw-araw.