KATULAD din ng mga ordinaryong manonood ang paraan ng pag-alala ng ilan sa mga artista sa mga namayapa nilang mahal sa buhay kapag dumarating ang ganitong okasyon, ang Araw ng mga Patay o Halloween.

Kahit mga artista sila at posibleng takaw-pansin pa sa sementeryo kung saan ay maraming tao sa ganitong araw, ilan sa mga nakausap namin ay talagang nakaugalian na rin na dumalaw sa puntod ng mga namayapang mahal sa buhay.

Ilan sa mga Kapuso stars tulad nina Kim Rodriguez, Derrick Monasterio, Kristoffer Martin, Rochelle Pangilinan at Barbie Forteza ay dumalaw sa puntod ng kanilang namayapang kapamilya.

“Sa bahay lang po kami ngayon. Kasi ‘yung Mommy ko po nasa amin pa dahil cremated po siya. Pero ngayong December ililipat na po namin siya sa columbarium,” sabi ni Alden sa amin.

Kagagaling lang ni Kim mula sa Singapore ngayong araw na ito at diretso na raw siya sa Loyola Memorial Park kung saan, doon daw niya dinadalaw ang lola niya.

Ayon pa kay Kim, “It’s a good day to remember the family members we have lost and celebrate lives, parang family reunion na rin kasi, buong pamil­ya sama-samang dumadalaw sa mga mahal po sa buhay.”

Sa part naman ni Derrick, nakaugalian na raw nilang pamilya na umuuwi ng probinsiya nila sa Baras, Rizal.

“Umuuwi kami ng province, we’re just gonna visit the cemetery. We will just pray and eat.”

Sa probinsiya rin si Kristoffer ngayong araw na ito. Sa Olongapo raw sila taon-taon tuwing All Saints’ Day dahil may kapatid daw siyang namatay na dinadalaw nila.

“Sa Olongapo talaga kami, sa Ate ko. Bale 2001 po siya noong namatay, 9 years old pa lang siya noon.”

Gayundin si Barbie na sa mga ganitong panahon daw talaga nakakauwi ng probinsiya nila sa Biñan, Laguna. Dinadalaw naman daw nila sa sementeryo ang lolo niya sa mother side.

Si Rita Avila naman, ang namayapang baby niya ang dadalawin daw nila nga­yong araw na ito sa Christ The King Greenmeadows Columbarium.

Aniya, “We visit our son and we light up candles and pray for the soul.”

Maaaring iba-iba man ang paraan ng pag-alala sa mga namayapang mahal sa buhay, isa lang ang sigurado, wala man sila sa mundo ngayon, nanatili pa rin silang buhay sa alaala.

Rochelle-Arthur mega-bonding ngayong Halloween

TUWING makikita namin ang mag-asawang Rochelle Pangilinan at Arthur Solinap, kitang-kita sa kanilang dalawa na very happy sila sa ilang buwan nilang pagsasama as husband and wife.

Sabi nga ni Arthur sa amin, kahit nagda-diet daw siya, hindi niya mapigilan at mahindiang kainin tuwing may ipinapabaon sa kanya si Rochelle na niluto nito.

“Siyempre ‘di ba, dapat kakainin ko ‘yung hinahanda niya sa akin. Bukod sa masarap, dapat maramdaman niya na naa-appreciate ko ‘yun.”

Ang maganda nga kina Arthur at Rochelle, bonded na kasi silang dalawa pati ang mga pamilya nila even before they got married.

In fact, nang kamustahin nga namin si Rochelle kung saan siya ngayong November 1, kasama raw niya ang buong pamilya niya at baka pati family ni Arthur sa Holy Cross sa Novaliches.

Ayon kay Rochelle, “Ang November 1 sa akin, dadalaw talaga kami kay Tatay. Pero ngayon baka umuwi rin agad kasi, baka may taping na raw kami agad ng Nov. 2.

“Pero ‘yung November 1 talaga for me, family bonding at higit sa lahat, wala kasing traffic.

Then, si Art naman kahit hindi pa kami mag-asawa, nakakasama na namin siya ng family ko na dumalaw sa puntod ng Tatay ko. Ngayon nga lang, baka pati family niya, kasama na rin.”

Napapanood na nga rin ngayon si Rochelle sa Alyas Robin Hood at kung ang last primetime series niya ay ang Encantadia, natutuwa naman daw si Rochelle na kahit uma-action ulit siya sa ARH, ibang atake naman.