Alden magpapasintabi kay Daniel

tonite-this-is-it-roldan-castro

Nagbawas ng timbang si Alden Richards bilang preparasyon sa romance-drama movie nila ni Kathryn Bernardo. 11 pounds na ang nawala sa kanya. ‘Yung dating 179 lbs niyang bigat ay naging 168 lbs na lang sa loob ng two weeks. Ang goal niya ay maging 160 ang timbang na swak sa height niya.

Nag-promise din daw siya kay Direk Cathy Garcia-Molina na magpapapayat siya. Plano rin niyang pormal na magpaalam kay Daniel Padilla sa tambalan nila ni Kath.

Sobrang busy niya ngayong April. Mahaba ang shooting niya sa Hong Kong with Kathryn Bernardo pero babalik siya sa ‘Pinas sa opening ng McDonald’s niya sa Biñan, Laguna. Magso-shooting din daw sila sa Holy Week.

Magso-shoot din siya sa GenSan para sa Lenten Special ng “Eat Bulaga.” Alis daw sila ng April 3. May gagawin din siyang pang-Black Saturday ng APT Entertainment na pi­na­ma­gatang “The Journey”.

May show rin siya sa New York sa May 11 kasama sina Rayver Cruz, Kyline Alcantara, Golden Cañedo, Betong Sumaya sa “Kapusong Pinoy pre­sents Studio 7 Musikalye sa Brooklyn!”

Ngayong Linggo ay mapapanood din si Alden sa second anniversary niya sa “Daig Kayo Ng Lola Ko” bilang Nonoy the Pinoy Santa.
“Hingal lang ang pahinga. Pero sanay na ako diyan. Mas gusto ko rin po ‘yan,” sey pa niya.

Sylvia nag-renew sa Beautederm

Buong ningning na sinabi ng President at CEO ng Beautederm na si Rhea Anicoche-Tan na nag-renew na ng kontrata si Sylvia Sanchez sa kanila. Kahapon ay nakasama niya rin sa opening ng BeautéQueen by Beautéderm sa Anasthacia, Sto. Tomas Batangas.

Iniha­handa na nila ang get together sa mo­vie press para ipa­alam na mananatili ang aktres sa naturang kompanya.

“After 2 years eto na ulit may family bonding kay Ate Sylvia,” bulalas ni Miss Rei.

Parami nang parami ang endorsers ng Beautederm na kinabibilangan nina Marian Rivera, Arjo Atayde, Carlo Aquino, Alma Concepcion, Alex Castro, Shyr Valdez, Tonton Gutierrez, Glydel Mercado, Rochelle Barrameda, Jimwel Stevens, Maricel Morales, Sherilyn Reyes, Jestoni Alarcon, Kitkat, Boobay, Alynna, Luke Mejares, Dessa, Jinky Vidal, Anne Feo, Darla Sauler, Pauline Mendoza. Kamakailan ay pumirma na rin ang hashtag na si Ryle Santiago. Makakasama na rin umano sa Beautederm family si Ejay Falcon.

May dalawang young actor pang lumilitaw ang pangalan at isang male singer.

Pinupuri si Ms. Rei ng mga ambassador niya dahil ibang klase raw itong mag-alaga. Hindi niya ito pinapabayaan.

“Siguro dahil si husband ay nag-iisang anak tapos kaming dalawa lang. Talagang gusto ko ng family. Para kasing kapatid ko sila. Buo ‘yung pagmamahal ko sa kanila. Walang echos, walang ka-showbiz-an.”
Kumbaga, nasa artista na kung aalis?

“Nasa kanila na kung ayaw nila sa akin but walang pagbabago. Ang pagmamahal ko sa kanila ay pantay-pantay. Walang mas sikat, walang mas bata, walang mas matanda,” bulalas niya.

Ilan sa mga flagship brands ng Beautederm ay ang Beautederm Skin Set; Reverie by Beautederm Home at Beautederm Origin Senses perfumes for men. Sa ngayon, may mahigit sa 60 stores ang Beautederm sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Nagpapasalamat ako sa outpour of blessings dahil minamarkahan ng 2019 ang ika-10 taon ng Beautederm sa industriya,” deklara pa ni Ms. Rhea Tan.

Guwapong aktor humagulgol sa kotse

BLIND ITEM: Aminado ang guwapong aktor na may leksyon siyang natutunan sa pinagdaanan niya.

Nawindang siya at wala sa sarili sa gitna ng gusot na hinarap.

Pero nag-breakdown pala ito sa loob ng sasakyan pagkatapos harapin ang kanyang problema. Sa kotse na lang siya humagulgol.

Sinabayan kasi ng girlfriend na i-break siya. Instead na ipaglaban siya at suportahan ay iniwan din siya sa ere.

Tsk! Tsk! Tsk!