SI Alden Richards ang big winner sa PEP List Awards kamakalawa nang gabi sa Crowne Palaza Manila.
Sila ni Maine Mendoza ang Pepster’s Choice Newsmaker of the Year, at pati ang Editor’s Choice TV Star of the Year.
Si Alden na rin ang tumanggap ng awards na ibinigay ng PEP kay Maine dahil nasa America ito.
Sa sandaling tsikahan namin ni Alden, nabanggit niyang kinabukasan ay magsisimula na siyang mag-taping para sa Encantadia.
Lalabas si Alden bilang Lakan mula sa mundo ng Mulawin. Guesting lamang iyun sa loob ng tatlong linggo.
Pagkatapos nito, ay tatapusin na raw ni Alden ang pangalawang album niya sa GMA Records.
Lovi at ex-bf Ronald naiispatang nagdi-date?
“I don’t care anymore!” — Rocco

Hindi naiwasan ni Rocco Nacino na sagutin ang isyung break-up nila ni Lovi Poe nang humarap ito sa press para sa concert nila na Oh Boy kasama sina Aljur Abrenica, Derrick Monasterio at Jake Vargas.
Sa September 23 ang concert na gaganapin sa Music Museum, kaya tinanong namin ang kung iimbitahan ba niya si Lovi para panoorin ang concert niya.
“Hindi pa po kami nagkausap,” medyo naalangang sagot sa amin ni Rocco.
Sinundan na namin ng tanong tungkol sa hiwalayan nila ni Lovi at aminado siyang nasaktan siya nang husto sa pagtatapos ng dalawang taon na relasyon nila ni Lovi.
Mabuti at ginagawa na niya ang Encantadia noong panahong iyun kaya nandiyan ang close friends niya sa Encantadia na hindi siya iniwan sa ganu’ng estado ng kanyang lovelife.

“Kaya naging pamilya ko talaga ‘yung cast ng Encantadia. They were there for me in my lowest moment,” sabi ni Rocco.
Hindi raw iyun mutual decision. Kahit masakit, tinanggap niya ang desisyon ni Lovi na tapusin ang kanilang relasyon.
“Nagulat din po ako sa lahat na mga pangyayari, but tinanggap ko lahat.
“Ang sa akin lang, I try to think of other people before myself. If she’s happy that way, I will give it to her,” pahayag ni Rocco.
Maayos daw ang pag-move on at okay na raw siya ngayon.
Gusto sana niyang magkaroon sila ng pag-uusap para maayos ang closure.
Tinanong namin kung bad break-up ba iyun, at sabi lang ni Rocco, may mga question mark lang daw.
May mga tanong na hindi nasagot.
Isa na kaya rito ang third party na issue? May kumakalat na isyung nakikita noong lumabas si Lovi kasama ang dati ring boyfriend na si dating Congressman Ronald Singson.
Matagal bago nakasagot si Rocco. Obvious na pinuproteksyunan pa rin niya si Lovi at ayaw na lang niyang lumaki pa ang isyu.
“I don’t care anymore. Okay naman.
“But, I think she’s happy, that’s good enough for me. Obviously, she’s looking beautiful now, I think she’s happy naman eh. Masaya ako para sa kanya,” safe na sagot ng Kapuso actor.
***
Doon na rin sa PEP List Awards ay nakatsikahan namin si Camille Prats na ang laki ng ipinayat at mukhang pinaghahandaan na ang nalalapit niyang kasal kay John Yambao.
Ayaw lang banggitin ni Camille ang eksaktong date pero sa January 2017 naka-set ang wedding at mabuting ngayon pa lang ay pinaghahandaan na nila.
“Yung pagpaplano is doing well,” pakli ng actress/TV host
“Mahaba ang time sa pag-plan ng wedding, Medyo naayos ko naman ang lahat. Ilang buwan na lang din at medyo nalalapit na rin.”
Nasa Amerika pa kasi ang boyfriend niya at sa November pa raw ang balik. Gusto niya, pagbalik ni John ay konti na lang ang aayusin.
Gusto nila, by December eh plantsado para walang pressure sa mismong araw ng kanilang kasal.
Ayaw ikumpara ni Camille sa unang kasal niya dahil magkaibang relasyon iyun.
“It’s like apples and oranges” daw dahil iba raw ito sa una niyang asawang namayapa.
Ibang excitement din daw ang naramdaman niya, dahil ngayon ay nandiyan ang anak niya na gusto na ring magkaroon ng buong pamilya.
Pahayag ni Camille. “Hindi ko naman talaga naisip na magkaroon pa ng pangalawang pagkakataon na magkaroon ng… actually to find someone, pangalawang bonus na lang ‘yung siyempre maikasal.
“I’m very blessed, and of course I am happy where I am at this point. But more than that I am happier to be able to give Nathan of having a real family.
“Kasi, isa ‘yun sa gusto ko na ma-experience niya or maramdaman niya na how it is to have a whole family.
“At this point, humihingi na siya ng kapatid. So, excited na siya du’n at ready na siya. Masaya ako para sa kasiyahan ng anak ko.”