Pumutok ang balita sa Twitter na ninakawan diumano ng pera ang Pambansang Bae na si Alden Richards ng ilang taong pinagkakatiwalaan niya. Nabuking daw ito nu’ng magkaroon siya ng bagong accountant.
Ayon sa The Frank Blogger, niloko umano ng sariling mga fan at dating manager si Alden. Ang tinutukoy niyang dating manager ay si Carlites de Guzman at ang Aldenatics sa pangunguna diumano ni Nate Gonzaga.
“Wala po, Tito. Hindi po totoo ‘yan,” deklara ni Alden nu’ng i-text namin para liwanagin ang isyu.
“GMAAC has been my talent management ever since and si Carlites naman po, simula pa lang na magsimula ako sa showbiz, he’s been my personal manager. At lahat po ng meron ako ngayon, ipinagpapasalamat ko sa suportang ibinibigay nilang lahat sa akin. Kumbaga po, parang sila ‘yung tumatayong magulang ko pagdating sa career ko mula noon hanggang ngayon. Wala pong nagbabago. Kung anuman po yung lumalabas, for me, it’s a non-issue dahil wala po talagang katotohanan. Sabi nga po, fake news,” lahad pa ng mabait na aktor.
“Sa tinagal-tagal ko sa showbiz , never naging issue ang pera sa manager ko. Hindi ko nga alam kung bakit sa sobrang bait ni Carlites ginagawan pa siya ng maling kuwento at may nasasabi pa ‘yung iba. Sa kanya ko natutunan lahat ng pagmamahal na ginagawa ko sa mga supporters ko ngayon,” dagdag pa ni Alden.
Kinuha rin namin ang side ni Carlites sa isyu. Pinapa-trace niya ngayon kung sino ‘yung nagpapakalat ng maling tsismis. Balak niya magdemanda para isa-isahin ang mga gumagawa ng malisosyong kuwento.
“Aside kay Ms. Gigi (Lara) ng GMA Artist Center, ako pa rin ang manager ni Alden. Never din na ako ang humawak ng pera ni Alden, noh,” paglilinaw pa niya.
Kahit ang supporter ni Alden na si Nate ay naging kontrobersiyal. “Natatawa na lang ako dyan, tito, hahaha. Pinapaniwalaan nila ang gusto nilang paniwalaan. Basta ako wala akong pakialam sa kanila. As long as ok kami kay Alden wala kaming pakialam sa kanila. Mamatay na lang sila sa inggit hahaha,” bulalas ni Nate.