Alden, panik-panaog sa stage sa hinakot na awards

Alden Richards
Alden Richards
Alden Richards

ALDUB night ang PEP List Year 3 kamakalawa ng gabi sa Crowne Plaza ballroom.

Buti na lang at hindi nagbakasyon si Alden Richards gaya ng ka-loveteam niyang si Maine Mendoza dahil kung nagkataon ay walang tatanggap ng awards na hinakot nila nu’ng gabing ‘yon.

Bukod sa Celebrity Pair of the Year at Newsmaker of the Year awards ng AlDub, si Alden ang nanalong Male TV Star of the Year, Best PEPtalk Episode of 2015 at Male Sty­lish Star of the Night.

Ang beauty queen le­vels na si Gabbi Garcia ang female counterpart ni Alden.

Kung nandu’n si Maine ay malamang nanalo rin ito ng nasabing special award kasama ni Tisoy.

Si Alden ang tumanggap ng Female Breakout Star of the Year at Female TV Star of the Year para kay Meng.

May maiksing recorded acceptance speech si Menggay na parang sa loob ng eroplano kinunan.

Nanood ito ng Coldplay at Adele concerts sa Amerika kaya solo flight si Tisoy.

Ang Pambansang Bae ang pinaka-busy sa pag-akyat baba sa stage.

Inialay niya sa kanyang nasirang ina ang last award of the night na PEP Editors’ Choice Male TV Star of the Year.

***

Waley rin ang JaDine loveteam na kababalik lang kahapon mula sa Greece.

Nagwaging Primetime Series of the Year ang On the Wings of Love, na tinanggap ng co-stars ng JaDine at ni Direk Jojo Saguin.

Absent din ang DongYan na nanalong Favorite Wedding of the Year.

Si Glaiza de Castro ang tinanghal na Teleserye Actress of the Year para sa lesbian role niya sa The Rich Man’s Daughter.

“Babae po ako!” ang natatawang bulalas ng Kapuso actress, na ang ganda ng moment with Sunshine Dizon sa stage.

Si Sunshine ang nag-present ng award ni Glaiza.
Original Pirena at millennial Pirena ng Encantadia!

***

Kung lesbian role ang ipinanalo ni Glaiza, sa kanyang transwoman role sa Destiny Rose naman nagwagi si Ken Chan bilang Teleserye Actor of the Year.

Natsika namin saglit si Ken at aliw ‘yung tsika niya na naghiwalay sila ng girlfriend niya dahil na-realize nitong mas maganda siya.

Wagi rin ang Destiny Rose ng Daytime Series of the Year.

***

Si Cherry Pie Picache na lesbiana rin ang role sa On the Wings of Love ang nagwaging Teleserye Supporting Actress of the Year.

Si Arjo Atayde ang Teleserye Supporting Actor of the Year para sa Ang Probinsiyano.

May drama ang speech ni Arjo dahil ‘yun daw ang role na regalong ipinangako sa kanya ni Coco noong baguhan pa lang siya.