ISANG natatanging pagganap ang dapat abangan kay Kapuso actor Alden Richards dahil bibigyang-buhay niya ang kuwento ng Palanca awardee na si Bonifacio ‘Boni’ Ilagan para sa espesyal na documentary ng GMA News and Public Affairs tungkol sa Batas Militar o Martial Law.

Kasabay ng ika-45 anibersaryo ng pagdeklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ng Martial Law, susundan ng nasabing documentary ang karanasan ni Boni noong panahong iyon—mula nang idineklara ang Batas Militar hanggang sa kanyang pagkakahuli at paghihirap sa ilalim ng Philippine Constabulary.

Sasariwain ni Boni ang nakaraan sa pamamagitan ng isang short film na siya mismo ang nag-akda. Sa direksyon ni Adolf Alix, Jr., pagbibida­han ito ni Alden na siyang gaganap bilang si Boni.

Ipapakita sa documentary ang paglikha ng nasa­bing short film kasama na ang behind-the-scenes clips at interviews mula sa mga personalidad na nakaranas mismo ng kalupitan sa ilalim ng Batas Militar. Ipapakita rin dito kung paanong ang self-professed millennial na si Alden ay unti-unting malalaman ang mga aral sa nakaraan ni Boni—isang alaala ng kahapong ‘di dapat ibaon sa limot nino man.

Abangan ang special na documentary na ito sa GMA 7.