Aldridge pumalakol ng 27, Spurs itinali ang Clippers

Sa ‘Throwback Night’ ng San Antonio nitong Huwebes, bumalik ang depensa ng Spurs at nilista ang pinakamalaking tambakang panalo ngayong season – 125-87 laban sa bisitang Los Angeles Clippers.

Umiskor si LaMarcus Aldridge ng 27 para sa Spurs, dalawang linggo na ang nakakaraan ay natalo ng 30 o higit pa sa tatlong laro. Nakalimang 30-point losses lang ang five-time champion franchise sa first 1,758 games ni coach Gregg Popovich.

Nagpiyesta ang fans sa giveaway T-shirts ng team tampok ang kanilang Fiesta colors.

Nagsumite si Rudy Gay ng 21 points, may 14 si DeMar DeRozan sa Spurs.

“We’re just playing basketball, making it easy on ourselves,” wika ni Gay.

“We’re moving the ball, helping each other on defense. That’s what makes it fun, just playing the right way and being good teammates to each other.”

Kumubra ng 17 points si Tobias Harris sa ­Clippers, may tig-15 sina Danilo Gallinari at Avery Bradley.

Nilimitahan ng San Antonio ang Los Angeles sa 20 points sa third quarter, pinabuka ang lead sa 24 at ipinahinga na ni Popovich ang starters sa fourth. Kapos ng dalawa ang 38 points ng Spurs sa first quarter sa kanilang season-high na itinarak noong Okt. 22 kontra Lakers.

Sinamahan ni Bryn Forbes sina Danny Green at Gary Neal bilang tanging Spurs players na umiskor ng 1,000 points at may 150 3-pointers sa kanilang first 150 games sa team. Tumapos si Forbes ng 10 points at 2 for 7 sa 3s.