Aldridge, Spurs ginilitan ang Pelicans

Bago hinarap ang New Orleans Pelicans nitong Sabado, binabagabag ng nananakit na kaliwang kamay si LaMarcus Aldridge.

Tinesting niya ito sa warmups, nagdesisyong lumaro at nagsumite ng team-high 28 points at 12 rebounds para bitbitin ang San Antonio Spurs sa 126-114 panalo.

“I wanted to play,” giit ni Aldridge pagkatapos kumpletuhin ang pang-15 niyang double-double ng season. “We’ve been up and down – more down – lately, so I just wanted to play and give us a better chance to win.”

Halos makiusap na si Aldridge kay coach Gregg Popovich para maglaro, lalo’t nakapahinga rin ang leading scorer ng San Antonio na si DeMar DeRozan dahil sa nananakit na tuhod.

“He showed a lot of heart,” ani Popovich sa kanyang big man. “He took one for the team tonight.”

Nakuha ni Aldridge ang injury sa 122-120 loss sa Philadelphia noong Miyerkoles.

Umayuda si Rudy Gay ng 22 points at 11 rebounds para sa San Antonio.

Sa third quarter, pinangunahan ng 12 points ni Aldridge ang 25-12 run para pabukahin ang three-point halftime lead sa 85-69. May 11 points din si Gay sa period nang ma-outscore ang Pelicans 36-28.

Naglaro ang New Orleans na wala sina Anthony Davis, Julius Randle, Nikola Mirotic at E’Twaun Moore. Pinagbayad sila ng Spurs sa rebounding department, 51-41.