Aldridge, Spurs wagi sa Wizards

Palapit sa finish line ng regular season, lalong humaharabas ang San Antonio Spurs.

Nagsumite si LaMarcus Aldridge ng 27 points at nine rebounds, at hinagupit ng Spurs ang Washington Wizards 98-90 nitong Miyerkoles sa 72nd NBA 2017-2018 eliminations.

Lumayo ng hanggang 22 sa fourth quarter ang San Antonio para tuhugin ang panlimang sunod na panalo tungo sa 42-30 record, may 10 games pa. lumalakas ang tsansa ng Spurs na pumasok sa postseason sa pang-21 sunod na taon.

Tinalo ng New Orleans (42-30) ang Indiana sa isa pang laro, kumakapit ang San Antonio sa sixth spot ng Western Conference. Hawak ng Pelicans ang 2-1 bentahe sa season laban sa Spurs, dadayo ng New Orleans sa April 3 para sa kanilang season finale.

Nagdagdag pa ng 16 points si Kyle Anderson para sa San Antonio.

Pinangunahan ng tig-21 points nina Bradley Beal at Kelly Oubre Jr. ang Wizards na nalaglag sa sixth sa East.
Naging pang-27 player sa kasaysayan ng NBA si Aldridge na may 900-plus blocks at 16,000-plus points sa kanyang career. Siya lang ang tanging player na nakagawa nito sapul nang pumasok sa NBA noong 2006. (VE)