TUMODO sina Alex Gonzaga at Joseph Marco sa biggest acting break nila sa big screen, ang My Rebound Girl na mapapanood na sa Miyerkules (Setyembre 28).
Walang alinlangan ang mga lambingan nila sa pelikula.
Wagas!
“Umaapaw ang magic at chemistry nina Alex at Joseph na nagsimulang lumutang nang gawin nila ang TV series na Pure Love,” sey ni Tito Jun Nardo.
“Nang ilabas sa social media ang trailer ng MRG, mahigit isang milyong views agad ang hinamig nito!”
Maging sa mall shows nina Alex at Joseph, hindi scripted ang lambingan nila on stage.
Kilig na kilig at kyut na kyut ang harutan nila kaya maugong ang tsismis na nagkakamabutihan na sila.
Swak ang magkaiba nilang image. Kiti-kiti, kikay at feeling maharot si Alex.
Si Joseph naman, tahimik at seryoso ang dating.
Magkaibang mundo and yet, may kilig na hindi pilit.
Nasaksihan din ng fans ang tamis ng tandem nina Alex at Joseph nang maging service crew sila ng KKK (Kanya-Kanyang Kape) coffee shop sa Maginhawa St..
Lutang ang maganda nilang samahan.
Si Alex ang kumukuha ng order habang si Joseph ang nagsisilbi ng coffee.
Komo coffee ang background ng kanilang love story sa MRG, para kay Alex ay kapeng barako ang dating ng leading man niya. “Matapang pero kapag nilagyan mo ng maraming brown sugar, lumalabas ang kaswitan!” bulalas ni Alex.
Para kay Joseph, capuccino ang dating ni Alex dahil matamis na ay marami pang cream.