MASAYA si Cong. Alfred Vargas nang sandaling nakatsikahan namin sa gala premiere ng Cinemalaya entry niyang Ang Guro Kong Di Marunong Magbasa.
Bale panlimang Cinemalaya entry na ito ng actor/politician at natutuwa siya dahil dito siya nakakaganap ng mga role na gustung-gusto niyang gawin.
Pagkatapos nitong Ang Guro Kong Di Marunong Magbasa ay napagdesisyunan ni Alfred na sa mga susunod na pelikulang gagawin niya ay iyung role na talagang gusto niyang gampanan.
“I told myself na hindi na ako ulit tatanggap ng roles na hindi ko gusto.
“From now on, ‘yung mga roles na talagang gusto ko. Wala na kasi akong time na gumawa ng project, eh.
“Kung gagawa man ako, ‘yun na talagang gusto ko. At itong pelikulang ito, talagang gustung-gusto ko, from the script, to the direction to the cinematography, lahat,” pahayag ni Cong. Alfred Vargas.
Kasama niya ang asawa niyang si Yasmine at excited na rin siyang mapanood sa wide screen ang kanyang asawa.
Inspired si Alfred sa pelikulang ito dahil sa mensaheng hatid nito.
Saad niya, “Ang message din ng pelikula na hindi kaya ng gobyerno na i-solve o lutasin ang lahat na problema ng bayan. Kailangan, kasama rin tayong lahat.
“Kahit isang ordinaryong mamayan ka lang, o kahit nasa private sector ka o nasa gobyerno, tayong lahat bilang Pilipino, kailangan magtulungan tayo para lutasin ang mga problema ng bayan.”