Kahapon ay nagkaroon na ng presscon ang pelikulang “Nuuk” na pinagbibidahan nina Aga Muhlach at Alice Dixson under Viva Films directed by Veronica “Roni” Velasco. Ito ang reunion project ng dalawa matapos ang 1991 movie na “Joey Boy Munti: 15 Anyos Ka Sa Muntinlupa”.

Sa presscon ay diretsong natanong si Aga kung niligawan niya ba noon si Alice dahil parang may tsismis din sa kanila before.

“Parang hindi naman ligaw, eh, kasi parang lahat naman sa akin dati, ‘di ba? Parang normal naman siguro na… (inili-link sa kanya). Hindi naman sa chickboy ka, pero lahat ng lalaki, gusto, babae,” sey ni Aga.

Normal naman daw na nagagandahan siya sa babaeng magaganda at popormahan naman daw nang kaunti.

“Parang ganu’n. Nagagandahan ka, ‘di ba? Parang ‘papaano ba ako manliligaw?’ Parang ganu’n, eh. Pero wala naman.

“Buwisit nga siya sa akin no’n, eh. Galit pala siya sa akin no’n. Ang tingin pala niya sa akin, mayabang,” natatawang kuwento ni Aga.

He also revealed na rebel days niya ang mga panahong ‘yun na tila hindi raw alam ng mga tao o hindi na natatandaan.

“I had those times. Mga ‘86, ‘87, ‘88, ‘89, ‘yun ‘yung mga panahon na kasama ko siya (Alice), ‘yun ‘yung mga panahong ligaw ako nang ligaw nang ligaw nu’n.

“Na para bang darating ako sa shooting nu’n dahil kailangang dumating. So, ‘yun ‘yung mga panahong, nasa set na lang, hindi ako dumarating. Presscon, hindi ako dumarating. Madami. ‘Yung iba rito, alam ‘yan. Si Miss Ethelwoda Ramos (ang dati niyang manager), alam niya ‘yan. Darating ako sa presscon, pilit na pilit, tapos sasabihin, ‘dumating ka pa!’ Tapos naka-shorts lang ako, naka-rubber shoes, tapos 10 minutes sa presscon, lalayas ako, biglang lalakad na lang ako. ‘Yun ‘yung mga panahong kasama ko siya,” natatawang kuwento pa ni Aga.

Ngayon daw siyempre ay ibang-iba na.

Nagkasama rin sina Aga at Alice sa mga pelikulang “Sinungaling Mong Puso” at “Hot Summer”.

“Aga has always been a great actor so humahabol ako. I’m trying to meet everybody’s expectation,” sabi ni Alice.

Kinunan ang pelikula sa Nuuk, Greenland na super-lamig at naka-lock in sila ng 21 days.

Sobrang hirap daw ang dinanas nila dahil nga sa sobrang lamig lalo na ‘pag outdoor ang eksena. Torture raw ang scene na nag-snow tapos biglang umulan, eh ang haba pa naman ng eksena.

“Pero tiniis namin,” kuwento ni direk Roni, “sina Aga, every cut, takbo na sa loob kasi unbearable.”

May time pa raw na kinailangan nilang huminto dahil pati ang mga crew ay hindi na kaya ang lamig.

Pero sabi ni Aga, mahirap but it’s all worth it at mararamdaman daw naman ito ‘pag napanood ang buong pelikula.

Showing na sa Nov. 6 ang “Nuuk” at ito ang first Filipino movie shot in Greenland.

Marian nag-sorry sa mga nasaktan, nainis

Klinaro ni Marian Rivera kahapon ang tungkol sa inilabas ng Philipine Star online mula sa interview niya tungkol sa trapiko. Sa nasabing panayam ay natanong sa aktres kung paano siya mag-cope up sa traffic.

Sa lumabas na artikulo, ipinayo ni Marian na umalis na lang nang maaga sa bahay para makaiwas sa trapik. Sinabi rin niyang marami raw puwedeng gawin kapag nasa traffic tulad ng pagbabasa.

Dahil dito ay na-bash nang husto si Marian ng mga netizen at sinabihang mayaman siya kasi at nakakotse kaya hindi nito nararamdaman ang hirap ng commuters.

Kaya naman kahapon ay nag-post si Marian sa kanyang Instagram account bilang pagbibigay-linaw sa lumabas na artikulo.

“Lahat tayo ay biktima ng trapik, at kani-kaniyang paraan lang kung paano tayo mag-cope sa sitwasyon. Ang tanong po kasi during the interview —kung panonoorin at pakikinggan niyo ang buong clip— ay nakatuon sa aking pamamaraan kung paano ko personal na itinatahak ang problemang ito ng ating lipunan, kaya’t sinagot ko naman iyon ayon sa kung ano ang totoo sa akin— at sa akin lamang. I just wanted to give a light take on my personal experience, but was misinterpreted…

“Hindi ko po nilalahat at lalu nang ginawang pangaral sa publiko ang aking pahayag…

“Kung sana’y naging mas responsable lang ang Philstar.com sa kanilang headline at sa hindi pag edit ng tanong sa umpisa ng original video, hindi ako ma-tatake out of context…

“Pinaninindigan ko po ang aking sagot and i take full responsibility, pero humihingi rin ako ng paumanhin sa mga nasaktan, nainis, napikon at kahit sa mga mema lang— hindi ko po nais na gawin ito sa inyo. Sa susunod, magiging mas maingat ako sa aking mga sinasabi, at sana ganoon din ang mga pahayagan na tinitingala ng nakararami…

“Kinikilala ko po ang hirap na pinagdaraanan ng mga Pilipino sa kalbaryong ibinibigay sa ating lahat ng trapik. Ang bawat minuto na nasasayang sa kalsada ay dapat na sana’y nagagamit natin para makapiling ang ating mga mahal sa buhay— wala pong may gusto nito… Peace everyone (heart emoticon).

“Hindi po ako super rich, gaya ng sabi ng Philstar.com Maykaya, opo, dahil pinaghirapan ko po yun,” ang mahabang depensa ni Marian.