Nanawagan ang mga residente ng isang barangay sa San Pascual, Batangas kay Public Works Secretary Mark Villar na imbestiga­han ang 10-kilometrong ­Bauan-Batangas City bypass road, matapos na rin ang mga balita na hindi ito ang orihinal na plano na isinumite ng mga mam­babatas na siyang humi­ling na gawin ito.

Naunang ibinalita sa media na may isang bahay sa gitna ng kalsada mismo, o kung saan nasa mismong binuo na concrete road sa Brgy. Bayanan sa San Pascual, Batangas.

Sinasabing pag-aari ito ng Brucal family, at ang problema ay dahil sa right-of-way problems.

Sinabi ni Felicidad de San Pedro, residente ng lugar, na base sa kanilang pagkakaalam ay hindi dapat dadaan ang kalsada o tutumbukin ang bahay ng Brucal family.

Binago na lang umano ang orihinal na road alignment na naunang isinumite ng DPWH.

“The road alignment based on our original parcellary survey is more cost effective since we avoided passing through the populated area. However, Congressman Raneo Abu intervened to have it revised, napi­litan ang DPWH na baguhin ito,” ayon sa staff ng DPWH 2nd District Engineering Office ng DE Abrigonda.