THANKFUL si Allen Dizon sa kanyang pamilya at sa mga trusted friend niyang patuloy na sumusuporta sa kanya dahil all-out din ang tulong sa kanya sa pagpo-produce ng pelikula.

Pinasok na rin kasi ni Allen ang pagpu-produce kung saan nagawa niya ang Magkakabaung na napagwagian niya ng ilang Best Actor awards.

Ngayon ay muli siyang magpo-produce dahil sobra siyang na-impress sa sinulat ni direk Ralston Jover.

Ito ‘yung Persons of Interest na ibang-iba ang kuwento.

Hindi pa nagawa ni Allen ang ganitong klaseng pelikula, kaya willing siyang i-produce ito.

Sabi ni Allen, mabuti at nandiyan ang asawa niya pati ang manager niyang si Dennis Evangelista na nag-aasikaso ng mga detalye sa pagpo-produce.

“May mga partner naman kasi ako dito, eh. More on focus ako sa acting, eh. Sila na sa business side,” pahayag ni Allen sa story conference ng proyektong ito.

“Hindi na ako nakikialam sa mga finances. Si Dennis (Evangelista) na lahat. Sila na ang bahala dahil mas magaling sila diyan eh. Baka hindi ko ma-handle mabuti eh. Kaya ako sa acting na ako naka-focus,” sabi pa niya.

Proud siya sa mga pelikulang na-produce niya kaya tuluy-tuloy lang ito.

Napag-isipan din niyang magdirek, pero baka medyo matagal pa iyun. Sa acting muna siya mag-focus sa ngayon.

“Mag-aaral pa muna ako sa pagdidirek,” pakli ni Allen.

Kasama ng aktor sa Persons of Interest sina Dimples Romana, Liza Lorena at ang batang Daniel Padilla sa La Luna Sangre na si JJ Quilantang.