Umalis na sa bakuran ng Mapua si two-time NCAA MVP Allwell Oraeme.
Ang dahilan: hindi na raw siya masaya sa team na naging daan para makilala siya.
Sinabi rin ng powerhouse forward na walang ibang eskuwelahan ang kumausap sa kanya, gusto lang nitong umuwi na sa Nigeria.
Pero para kay Mapua head coach Atoy Co mababaw ang dahilan ng kanyang pambatong sentro.
“May walang respeto na kumakausap ng pailalim kay Allwell. Kaya siya nandito kasi mahirap ang buhay sa Nigeria tapos sasabihin uuwi na lang siya,” pahayag ni Co.
Kinutuban na ang Cardinals kay Oraeme dahil isang linggo na itong hindi uma-attend ng ensayo.
Pangalawang beses na itong napabalita na gustong umalis ni Oraeme sa Mapua.
Noong nakaraang taon, umugong ang balitang aalis ang 6-foot-10 big man sa Cardinals matapos siyang hiranging MVP, Rookie of the Year at Defensive Player of the Year sa kanyang unang taon sa Mapua.
“Nangyari na ito nakaraang season, sabi ayaw na niya maglaro sa akin, ngayon iba naman ang kanyang dahilan,” dagdag ni Co.