SANDALING nakausap namin kahapon si Alma Moreno na kararating lang mula sa ilang araw na bakasyon sa HongKong.

Noong nasa bakasyon siya ay nakakatanggap pa siya ng text messages tungkol sa nangyayari sa Marawi City.

Ang iba ay hindi alam na matagal na siyang hiwalay sa dating alkalde ng Marawi na si Fahad Salic.

Ayon kay Alma, matagal na silang walang komunikasyon ng dating asawa, pero okay sila dahil mabait ito sa mga anak niya.

Hindi sila nagkukumustahan sa ngayon, pero nagulat siya sa gulo sa Marawi.

Nalulungkot siya dahil marami siyang ka­kilala roon gawa nang nakakapunta siya roon bilang dating presidente ng Philippine Councilor’s League noong konsehal pa siya ng Parañaque.

“Siguro, mga tatlong beses ako nakapunta doon dahil may mga ka­kilala akong konsehal din doon. Mababait pa naman ang mga tao du’n,” pakli ni Alma.

“Nalungkot ako nang nakita ko sa news na nadadamay pati mga sibilyan. Dasal ko nga na sana, matapos na, na maayos na ‘yung problema du’n.

“Kasi, nakakaawa ‘yung mga sibilyan na namamatay. Nalungkot ako du’n.

“Sinama ko ‘yun sa dasal ko ‘yun na magkaroon na ng katahimikan. Kasi, nakakaawa eh,” sabi pa ng aktres.