Naka-move on na si Raymond Almazan sa masalimuot na eksena ng kanyang PBA career noong nakaraang season.

Nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ni coach Caloy Garcia at hindi nagpakita ng ilang araw sa Rain or Shine, sa laro at sa praktis.
Nagkaayos din sila ni Garcia pero hindi na lumaro sa season-ending conference ang 6-foot-8 center. Magkasama pa sila sa Media Day ng PBA sa The Tent ng Solaire Resort and Casino sa Parañaque City noong Huwebes.

“’Yung mga nangyari last year, past na ‘yun,” nakangiting wika ni Almazan. “Move forward na.”

Nahiya rin daw siya sa team at mga boss nila, kaya nangako itong babawi sa papasok na season.

Siklab ang Philippine Cup bukas, Jan. 13, sa Philippine Arena. Babasagin ng Elasto Painters ang season sa Biyernes, Jan. 18, kontra NLEX sa nightcap ng double-header sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Nagretiro na si Chris Tiu, sina Almazan, Gabe Norwood, James Yap, Beau Belga, Maverick Ahanmisi at Ed Daquioag ang magdadala ng E-Painters.

Umaasa ang team na mapapadali ang adjustment sa sistema nila ng mga bagong hugot mula sa draft noong nakaraang buwan na sina JVee Mocon mula San Beda (6th pick overall) at JJay Alejandro ng NU (8th).

Si Tiu ang lider ng team, tulong-tulong ang mga naiwan para malagpasan ang quarterfinals finish sa nakaraang all-Filipino.
“Sana lang, ma-fill up ng mga rookie namin ‘yung gap na iniwan ni Chris,” panapos ni Almazan.