Sentro ng atensiyon ang matchup nina Team Pilipinas bigs Raymond Almazan at Poy Erram sa pagtatagpo ng dalawa sa main game ng PBA Philippine Cup mamaya sa Cuneta Astrodome.
Nagkaroon ng legitimate big ang NLEX nang tumawid si Erram mula Blackwater, itutuloy ni Almazan ang ratsada niya sa Rain or Shine matapos mawala ng ilang laro sa season-ending Governors Cup noong nakaraang taon.
Balik ang porma ni Almazan, nangakong babawi para sa Elasto Painters.
“Tapos na ‘yun,” giit ni Almazan sa hindi nila dati pagkakaintindihan ni coach Caloy Garcia bago siya nag-AWOL.
Si Erram, hindi mahirap para sa kanya na mag-adjust sa sistema ng Road Warriors dahil naging coach niya na rin sa National team si Yeng Guiao.
“Madali lang mag-adjust kasi ‘yung mga tinatakbo ni coach Yeng sa Gilas, ‘yun din tinatakbo sa NLEX,” pahayag ni Erram, dinagdag na malaking tulong ang ginagawang pag-ayuda sa kanya nina veteran bigs Asi Taulava at JR Quinahan.
Kasama sina Almazan at Erram sa 14-man pool ni Guiao na isasabak sa huling window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa susunod na buwan.
Balik na rin si Kevin Alas sa backcourt ng NLEX matapos mawala ng halos siyam na buwan nang abutin ng ACL injury sa parehong torneo noong isang taon.
Bagong salta sa NLEX si rookie Kris Porter.
Tatasahan din ang newcomers ng Elasto Painters na sina Javee Mocon at JJay Alejandro.