Alora reresbak sa Mexican

Pinag-aralang maghapon nitong Miyerkules ng nag-iisa na lang na bet ng Pilipinas sa 31st Olympic Games 2016 sa Rio de Janeiro, Brazil ang nakatakdang maka-rematch na karibal sa Sabado ng alas-10:30 ng umaga (alas-9:30 ng gabi, Manila time).

Buo ang loob ni Kirstie Elaine Alo­ra ng taekwondo women’s +67 kilogram at natitira na lang sa 13 Filipino athletes na patuloy na magdadala ng laban ng bansa sa quadrennial event na matatapos na sa Linggo.

Yumukod ang 26-year-old Biñan City native at College of Saint Benilde Business Administration graduate sa unang pagtutuos nila ni Maria Espinoza 2-1 tungo sa paghagip ng Mexican sa gold medal sa 2008 Beijing Olympics.

“Kaya ko yan,” anang 16th seeded na si Alora, na singtaas lang sa 5-foot-8 ng top seeded rival.

Three-time Southeast Asian games gold medal winner at two-time Asian Games bronze medalist ang Pinay jin pantapat sa kredensiyal ng Mehikana.

Tatlong ulit dapat magwagi ni Alora upang umabot sa finals ng kumpetisyon, na una niyang natutunan sa gulang na anim na taon pa lang bilang self-defense dahil binu-bully siya sa eskwelahan.

“The taller opponents are in the lower bracket,” puna ni Alora, pahaging sa China (No. 2), Serbia (No. 6) at France (No. 7) na lahat ay may mga taas na mahigit sa anim na talampakan.