Standings W L
San Beda 7 0
Perpetual Help 6 2
Arellano U 6 2
Letran 5 2
Mapua 5 2
Jose Rizal 3 4
LPU 3 5
EAC 2 6
San Sebastian 1 7
St. Benilde 0 8
Mga laro bukas:(The Arena, San Juan)
10:00 a.m. — EAC vs St. Benilde (jrs)
12:00 nn. — Mapua vs Perpetual Help (jrs)
2:00 p.m. — EAC vs St. Benilde (srs)
4:00 p.m. — Mapua vs Perpetual Help (srs)
Umukit ng magkahiwalay na panalo ang Arellano University at Perpetual Help upang manatiling magkasalo sa pangalawang puwesto ng 92nd NCAA senior men’s basketball tournament sa The Arena San Juan City kahapon.
Pinoste ni Dioncee Holts ang double-double performance na 20 points at 15 rebounds upang bitbitin ang Chiefs sa 81-76 panalo kontra Lyceum of the Philippines Pirates habang si Bright Akhuetie ang pasimuno para sa panalo ng Altas laban sa Emilio Aguinaldo College Generals, 70-53, sa unang laro.
Natuwa si Arellano coach Jerry Codiñera dahil sa ipinakitang tikas ni Holts.
“Finally, he was able to play like he was a rookie,” masayang sabi ni former PBA defensive player Codiñera.
Halos hindi maramdaman ng Chiefs ang presensya ni Holts sa mga naunang laro pero sa fourth quarter nagtala ito ng siyam na puntos at naging instrumento siya para sa pag-alagwa nila.
Nag-ambag sina Kent Salado at Jio Jalalon ng 17 at 13 puntos para sa Arellano upang ipalasap sa LPU ang pang-limang talo sa walong salang.
Bumira si Mike Nzeusseu ng 24 pts. habang may 14 markers si Shaq Alanes para sa LPU.
Nirehistro ni Nigerian import Akhuetie ang 19 points at 12 rebounds upang sikwatin ang four-game winning streak ng Perpetual.
Bukod sa opensa, sinandalan din ng Altas ang malagkit nilang depensa para mapuwersa ang Generals na makakuha ng maraming errors at mintis sa kanilang tira.
“Our defense did it,” wika ni Perpetual Help coach Jimwell Gican.
Parehong tangan ng Altas at Chiefs ang 6-2 records, nasa unahan nila ang San Beda College Red Lions na wala pang dungis sa pitong laro.
Nagwagi sa pangatlong laro ang Jose Rizal University Heavy Bombers sa San Sebastian College Stags, 68-62.