Naglabas na ng alternatibong ruta ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa gaganapin na ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Lunes (Hulyo 24).

Sa ipinalabas na advisory ng MMDA, sa Lungsod ng Quezon aasahan ang mabigat na daloy ng trapiko, partikular na sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, LITEX at Batasan Complex.

Maaaring gumamit ng ilan sa kanilang mga alternatibong ruta ang mga motorista sa pa-northbound lane, maaaring kumanan sa Congressional Avenue, pumasok sa Mindanao Avenue, kumanan sa Old Sauyo Road bago muling lumabas sa Commonwealth Avenue.

Kung galing sa Quezon Avenue, puwede ring dumaan papasok ng North Avenue, diretso sa Min­danao Avenue at lumabas sa Commonwealth makalampas ng Fairlane Street ng nasabing lungsod.

Sa mga pa-southbound lane na galing ng Commonwealth, maaaring kumanan sa Fairlane St., kumanan muli sa Dahlia, lumabas sa Old Sauyo Road, bago pumasok sa Mindanao Avenue at lalabas ng EDSA.

Samantala mula sa SM Fairview at Robinson patungong Quirino Highway ay diretso lamang at palabas ng Mindanao Avenue.

Mula Fairview at Mindanao Avenue kakanan sa Jordan Plains diretso sa Quirino Highway at palabas ng Mindanao Avenue patungo sa destinasyon.

Ayon sa MMDA, isasara rin nila ang ilang bahagi ng IBP Road simula alas-12:00 ng tanghali, dahil dito dadaan ang mga mambabatas, VIP at iba pang mga magtutungo sa pagdadausan ng SONA.