Pinawi ni Pangulong Rodrigo Du­terte ang pangamba ni House ­Speaker Pantaleon Alvarez na baka masipa siya bilang lider ng Kamara.

Kasunod ito ng ulat na may nagbabantang kudeta umano sa Mababang Kapulungan para ipalit si dating Pangulo at ngayon ay congresswo­man Gloria Macapagal-Arroyo kay Alvarez.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang pag­dalo sa dinner concert na ginanap sa Pasay City, na nakausap niya ang dating Pangulo at tiniyak sa kanya na hindi ito interesado sa puwesto ni Alvarez.

Mukhang kinabahan umano si Alvarez kay Arroyo kaya’t matamlay ito noong dumalo sa dinner concert sa Sofitel Hotel.

“Mukhang si Speaker matamlay. Sabi ni Ma’am, ‘Sabihin mo sa kaibigan mo na wala akong ambisyon maging speaker. He can rest’,” anang Pangulo.

Ilang kongresista ang nagsusulong na ipalit ang dating Pangulo kay Alvarez dahil hindi umano nagugustuhan ang pangangasiwa nito sa Kamara.

Kapwa dumalo sina Alvarez at da­ting Pangulong Arroyo sa okasyon, at dumalo rin ang Presidential daughter na si Davao City Mayor Sara Duterte na matatandaang may ‘word war’ sa House Speaker.

Naging civil ang dalawang opis­yal sa okasyon pero hindi nag-usap hanggang sa matapos ito.