Umaasa si incoming House Speaker Panta­leon ‘Bebot’ Alvarez na susuportahan ng mahigit 200 kongresista na bahagi ng super majority ang pa­nukalang ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.

Ayon kay Alvarez, mahigit 240 na ang su­mali sa super majority na mula sa iba’t ibang partido kaya naniniwala ito na hindi mahihirapang maipasa ang nasabing panukala kapag naisalang na ito sa botohan.

“Well so far ‘yung majority coalition marami naman ‘yan, mara­ming miyembro and we expected also to support ‘yung mga bills na gusto ipasa ng kasalukuyang administrasyon,” ani Alvarez sa isang panayam.

Sinabi ng susunod na House leader na napa­panahon nang ibalik ang parusang kamatayan para magkaroon na umano ng ngipin ang criminal justice system sa bansa lalo sa mga karumal-dumal na krimen.

Sakaling maipasa agad sa loob aniya ng isang taon, magdadala­wang isip na ang mga kriminal lalo na ang mga sangkot sa iligal na droga at itigil na ng mga ito ang kanilang gawain.

Hindi isinasantabi ni Alvarez na may kokontra sa nasabing panukala su­balit dahil mas marami aniya ang kanilang pu­wersa sa super majority kaya ina­asahan na hindi ito mahihirapang maipasa.

Ilan sa mga nagpahayag ng pagkontra sa death penalty ay mula sa grupo ni outgoing House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na nagpasyang maging minorya na lamang sa 17th Congress.