Taliwas sa mga pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hindi na nila kailangan ang Senado sa trabaho ng pag-amiyenda sa Konstitusyon, pormal namang tinanggap kahapon ng Mataas na Kapulungan ang kopya ng resolusyon para sa pag-convene ng Constituent Assembly o ConAss.

Sa ginawa ng Kamara, sinabi ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na hinihintay ng mga kongresista ang desisyon ng Senado sa Concurrent Resolution no. 9 hinggil sa pagconvene ng ConAss.

“Everything is in order. Tama po yun. When the house acts it waits for the counterpart action from the Senate,” paliwanag ni Pimentel.

Agad namang nai-refer sa Senate Committee on Constitutional Amendments ang naturang resolusyon para sa makapagdaos ng public hearing.

Dahil dito, naniniwala si Pimentel na hindi na gagawin ng Kamara ang sinasabing pagbabago ng konstitusyon kahit wala ang mga senador.

“Di na nila gagawin yun everything now is in order, everything now is normal,” pahayag pa ni Pimentel.

Ngunit ayon naman kay Alvarez, itutuloy nila ang proseso sa pagbabago ng Konstitusyon kahit na iburo ng Senado ang resolusyon sa ConAss.

Nanindigan pa ang pinuno ng Kamara na batay sa isinasaad ng Konstitusyon ay wala namang nakalagay na Con-Ass o ang pag-convene ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Ang nakasaad lang aniya na paraan sa pagbabago ng Saligang Batas ay ang pagkuha sa boto ng 3/4 (237 na boto) ng lahat ng miyembro ng Kongreso.

Ang pangalawang mode umano ay sa pamamagitan ng Constitutional Convention (ConCon) at ang pangatlo ay sa pamamagitan ng People’s Initiative.