Alvarez napikon sa netizens

Napikon si House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez sa komento ng netizens na ‘lamyerda’ o nag-outing lamang ang mga kongresista na nag-ikot sa Northern Luzon.

Nakarating kay Alvarez ang batikos ng netizens sa katatapos na Caravan nila kasama ang ilang kongresista sa mga kilalang pasyalan at tourist spot sa Hilagang Luzon.

“Alam mo, subukan kaya nila yung ginawa namin kung madali. Imbes na magpahinga kami nag-iikot kami sa lahat ng probinsya. Yung congressman sumasakay ng bus,” bwelta ni Alvarez.

Bago ang caravan ng Kongreso sa Northern Luzon, unang nilibot ng mga kongresista ang Visayas at Mindanao noong Marso para subukan umano ang mga nautical highways.

“Isipin mo naman ‘yan nagsi-share ng kwarto, isang kwarto apat. O, yan ba ay outing?,” tanong ni Alvarez.

Dahil aniya sa pag-iikot ng mga ito sa bansa ay marami silang natuklasang hindi kaaya-aya tulad ng kalagayan ngayon ng Banawe Rice Terreces na napapabayaan na.

“Ngayon anong nakita namin: Banawe, pinabayaan. O, nasa ano yan, nasa Unesco. Pumunta ka ngayon ng Banawe, ang pangit. Bakit hindi natin inalagaan yun,” ayon pa sa mambabatas.

Dahil din aniya sa Caravan, natuklasan nila ang problema sa Subic Bay Metropolitican Authority (SMBA) na dalawa ang namumuno rito.