Hindi nagamit ng Bureau of Customs (BoC) ang kanilang Thai imports pero madali pa rin nilang naitumba ang UP Lady Maroons 25-23, 25-18, 25-22 kagabi sa Shakey’s V-League Reinforced Conference­ sa PhilSports Arena.

May problema sa dokumento sina Thai netters Kanjana Kuthaisong at Natthanicha Jaisaen kaya ­ibinangko muna sila ni BoC coach Sherwin Meneses.

Parang import naman ang nilaro ng double “V” na sina volleyball superstar Alyssa Valdez at Rose Marie Vargas matapos magtala ng 18 at 17 points para agad ipakilala ang Transformers.

“Na-challenge kami, kasi bawat isa nagko-­contribute,” nakangiting sabi ni Vargas.

Kasalo ng BoC ang Laoag sa second spot sa 1-0 cards, solo sa tuktok ang UST Tigresses (2-0) na 25-16, 25-10, 25-23 winner sa Coast Guard sa unang laro.

Kahit bago pa lang nakasama ni former Ateneo Queen Eagle Valdez ang teammates ay lumabas pa rin ang kanyang power at intensity sa laro.

“Tinutulungan ako ng mga teammates ko at coaches para maka-adjust kasi nga bago ko lang sila nakasama,” ani Valdez. “Hopefully mag-jell na kami at magkaroon agad ng chemistry.”

Nag-ambag sina Lilet Mabbayad at Pau Soriano ng 10 at eight points sa BoC.
Nagtala si Nicole Tiamzon ng 18 markers para sa all-Filipino Lady Maroons.