Tapos na ang tour of duty ni Alyssa Valdez sa Ateneo, isinabit na niya ang white-and-blue jersey na pinag-reynahan niya sa kanyang collegiate career.

Sa pagsiklab ng 13th Shakey’s V-League Reinforced Conference sa Oct. 1, balik sa floor ang binansagang Volleyball Phenom pero ibang kulay na ang suot – ang uniporme ng bagong salta sa ligang Bureau of Customs Transformers.

Bagong coaching staff, bagong team para sa 23-anyos na kamador.

Malayo sa squad na inilipad niya sa back-to-back championships sa UAAP noong Seasons 76 at 77 at titulo rin sa V-League. Kasama ng ilang kakampi sa Lady Eagles, naglaro sila para sa PLDT at nakadalawang kampeo­nato din sa V-League.

“First time ko na malalayo sa teammates ko (sa Lady Eagles) before and iba rin talaga ang system at culture outside,” anang power-hitter na naglaro pa sa BaliPure sa Reinforced Conference ng liga.

Medyo maninibago si Valdez dahil aniya nga ay matagal niyang nakasama ang Lady Eagles sa college. Mga bagong mukha ang kakampi niya. Hindi pa kumpleto ang lineup ng Transformers, pero ilan sa mga napabalitang kinuha ay dating college stars din tulad nina Rizza Mandapat ng NU, Michicko Castaneda ng UP, Jonah Corpuz ng San Sebastian, Fenela Emnas ng Adamson, at Menchie Tubiera ng Arellano.

Dalawang Thai imports ang ipaparada ng BoC.