AMA gagawing praktisan ng Racal

Mga laro ngayon (JCSGO Gym,-Cubao, QC)
2:00 p.m. — Topstar ZC Mindanao vs. Cafe France
4:00 p.m. — Racal vs. AMA Online Education

Sesementuhan ng Racal ang top spot kapag naitumba mamaya ang AMA Online Education sa pagbaba ng tabing ng 6th PBA D-League Foundation Cup 2016 eliminations sa JCSGO Gym sa Cubao.

Gagawin ni Racal (9-2) coach Caloy Garcia na preparasyon sa playoffs ang dehadong karibal na AMA na nasa fifth place sa 4-7.

“We treat it as tuneup game. We just have to focus on that and fix the things we need to clean up,” aniya.

Pero dugtong niya na dapat bantayan nila sa Titans si James Martinez na nagpasiklab ng high-scoring outputs sa last two games.

“They’re a team on the rise as well. But we’ll go out there for the win. All we want is to go to the semis with a win para mataas din ang confidence,” dagdag pa ni Garcia.

Sa first game ay toka ng third-running Cafe France (8-3) ang winless sa 11 games na Topstar ZC Mindanao.

Umaasa ang Bakers na masisilat ng Titans ang Tile Masters kasabay na mapabagsak nila ang Aguilas para makapuwersa ng triple-tie sa lead. Sa ganitong senaryo, uupo sa top seed ang Café France dahil sa superior quotient at ang Phoenix ang uupo sa third.

Pero kailangang magsunog ng kilay ang Bakers lalo’t suspendido ng isang laro si coach Egay Macaraya dahil sa pagbato ng bola sa 91-83 loss ng kampo noong Martes kontra Phoenix.